BAGAMAT tapos na ang botohan at naimprenta na ang mga election return sa Philippine Embassy sa London, United Kingdom, hindi pa rin maaaring simulan ang canvassing ng mga boto dahil sa pagkaantala ng pagdating ng isang bahagi ng Consolidation and Canvassing System (CCS) mula sa Pilipinas.
Opisyal na isinara ang botohan sa embahada sa ganap na alas-12:46 ng tanghali matapos makaboto ang huling botante. Kaagad namang nagsimula ang Special Board of Election Inspectors (SBEI) sa pagproseso at pag-imprenta ng election returns, ngunit nagkaroon ng teknikal na aberya sa printer, na naayos bandang alas-3:00 ng hapon.
Matagumpay na naimprenta ang election returns mula sa anim na presinto sa ilalim ng embahada: Isle of Man, Great Britain, Northern Ireland, Jersey, Guernsey, at Ireland, at nakumpleto ito bago mag-alas-5:00 ng hapon.
Gayunman, hindi agad masimulan ang canvassing ng mga boto dahil kulang pa ang isang parte ng CCS device. Bagamat nakarating na sa UK, hindi pa ito naihatid sa embahada sa araw ng halalan.
Dahil dito, itinakda ang pagsisimula ng canvassing sa Mayo 13, alas-9:30 ng umaga, sa pangunguna ng Special Board of Canvassers (SBOC).
Samantala, nagpahayag ng pag-asa si Emily Barrameda, poll watcher at chairperson ng PDP-Laban UK, na magiging maayos ang pagbibilang ng boto sa nasabing araw.
“May inaantay pa kaming isa pang parts ng CCS. So dapat po na-i-deliver na kanina pero upon their tracking sa FedEx po from the Philippines is tomorrow pa daw po ang delivery,” ani Barrameda.
“Pinaliwanag naman po sa aming lahat kaya ngayon po uuwi po muna kami at babalik po kami bukas ng umaga ng 9:00 pero we’ll start po 10 o’clock ng umaga,” dagdag pa niya.
Patuloy ang pagbabantay sa embahada para sa maayos na pagbibilang ng boto mula sa Filipino community sa UK.
Follow SMNI News on Rumble