NAKATAKDANG lagdaan ngayong taon ng Pilipinas at Canada ang isang Bilateral Labor Agreement.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang naturang kasunduan ng Pilipinas at Canada ay magpapatibay sa kasalukuyang garantisadong employment offers ng naturang bansa.
“This government-to-government agreement shall validate the existence of guaranteed employment offers,” ani Bello.
Nag-aalok ang Yukon ng 2,000 na trabaho bawat taon sa iba`t ibang industriya, na may suweldo mula P80,000 hanggang P300,000. Ang mga karaniwang bakanteng trabaho para sa mga Pilipino ay kasama ang heavy equipment operators, nurses, cooks, chefs, engineers, caregivers at call center agents.
Inaasahan ni Bello na malalagdaan ang nasabing kasunduan sa susunod na buwan ng Mayo o sa Hunyo.
Kabilang sa kasunduan ang pagpapahintulot sa Yukon, Canada na mag-hire ng dayuhang manggagawa na hindi mapupunan ng kanilang mga local resident.
Inihayag ni Bello na mas gusto ng mga Canadian ang mga manggagawang Pilipino dahil sa dekalidad na kanilang trabaho, at dahil sa magandang family bond ng mga Pinoy, nagpahayag pa na tutulungan ang mga ito na madala ang kanilang pamilya sa Canada.