KUNG sa Makati City ay may babaeng lumabas sa kanal, sa Cebu naman ay may isang binatilyo na edad labing isa ang naipit ang braso sa butas ng takip ng kanal.
Ito’y matapos pilit nitong dukutin ang barya na nasa malalim na kanal. Pero hindi na nito nagawa pang ilabas ang kanyang kamay sa butas.
Mabilis na rumesponde sa insidente ang Bureau of Fire Protection at Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office para matanggal ang naipit na kanang braso ng binata.
Nangyari ang insidente sa kanal ng Plaridel Street, Barangay Santo Niño nitong Huwebes alas otso ng umaga, ika-lima ng Hunyo.
Napag-alaman na kabilang ang lalaking naipit at dalawa pang kasama nito sa tinatawag na ‘Kawkaw Boys’ o mga batang lansangan. Kumikita ang mga ito sa pamamagitan ng pamumulot ng barya na nahuhulog sa mga kanal na karaniwan daw ay umaabot sa limampung piso ang kanilang nakokolekta para ipambili ng pagkain.
Sa tindi ng pagkakaipit, nahirapan ang mga rescuer na agad matanggal ang kamay ng binata sa butas dahil sa pangamba na lalo pa itong maipit kung gagamitan ng power tools. Kaya naman nilagare na lamang ng mga rescuer ang bakal na takip.
Umabot ng limang oras bago natanggal sa pagkakaipit ang braso ng biktima. Namaga ang kanyang braso dahil sa tagal at sakit ng pagkakaipit bago nailigtas. Nadala naman ang binata sa ospital at ngayon, maayos na ang kanyang kalagayan.