SARIWA pa sa alaala ng maraming netizens ang malagim na sinapit ng isang ina sa Cebu City, na namatay sa kalsada habang nagsisilang ng kaniyang anak.
Tumangging magpunta sa ospital ang naturang ina, sa takot na malaki ang magiging gastos sa ospital.
Ang chairman ng Senate Committee on Health na si Sen. Bong Go, muling nanawagan sa PhilHealth na huwag hayaang maulit ang ganitong karumal-dumal na sitwasyon.
Ayon kay Sen. Go, ang puno’t dulo ng insidente ay ang kawalan ng impormasyon ng maraming Pilipino.
Na lahat tayo ay awtomatikong PhilHealth members na alinsunod sa Universal Health Care Law. Ibig sabihin, lahat ay dapat makatanggap ng medical benefits mula sa PhilHealth.
Pero ayon kay Sen. Bong Go, kulang ang information campaign kaya’t marami pa ring mga Pilipino ang takot magpa-ospital dahil sa kawalan ng panggastos.
Ang malawakang awareness campaign ay nakasaad sa commitment letter ng PhilHealth na isinumite kamakailan kay Go.
Sunud-sunod na nabunyag ang mga palyado at ‘di umano’y “anti-poor” policies ng PhilHealth dahil sa paulit-ulit na pagbusisi ni Go sa mga hearing ng kaniyang komite.
Naungkat din ni Go na aabot pala sa P500B ang reserve fund ng PhilHealth, kaya tanong niya, kung ganito pala kalaki ang pondo ng PhilHealth, bakit maraming Pilipino ang walang pambayad sa ospital?
“For Next year PhilHealth is again asking for P74 billion as a subsidy. Bakit kayo bibigyan ng subsidy sa 2025 kung merun pa kayong reserve fund na 500 billion, unfair naman po ‘yun. Baka pwedeng gamitin na lang po ito sa ibang tulong pampagamot o serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap,” pahayag ni Sen. Bong Go.