NAPANGITI ngayon ng PhilHealth si Sen. Bong Go dahil inanunsiyo ng state health insurer na iko-cover na nila ang hanggang 1,000 pesos na basic dental services ng mga Pilipino.
Kabilang na dito ang konsultasyon, pagpapalinis, at maging pagbubunot ng ngipin.
Dati nang kinukulit ni Sen. Go ang PhilHealth na isama ang dental package sa mga benepisyong makukuha ng mga Pilipino.
Ayon kay Sen. Go, base sa ilang pag-aaral, ay nagiging sanhi ng mababang productivity at antas ng pamumuhay ang mga karamdaman sa bibig at ngipin.
Giit ni Go, maraming Pilipino lalo na ang mga mahihirap ang nagtitiis na lamang sa sakit ng ngipin dahil walang panggastos sa dentista.
Dahil dito, maraming mahihirap ang lalong hindi makapaghanap buhay na nagiging dagdag pahirap sa kanilang mga pamilya.
Sa isa sa mga pagdinig ng Senate Health Committee ay nasungkit ni Sen. Go ang commitment ng PhilHealth na bibigyang halaga na rin ang dental health ng publiko.
Pinasalamatan ni Go ang PhilHealth sa anunsiyong ito pero tiniyak niya ang publiko na hindi niya papayagang mauwi lamang sa wala ang pangako ng PhilHealth na mas magandang medical benefits.