NAGPAHAYAG ng kaniyang taos-pusong pakikiramay si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. sa pagpanaw ng Pambansang Alagad ng Sining at alamat ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor noong Abril 16, 2025.
“Lubos akong nagdadalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat ng sining at kulturang Pilipino. Si Ate Guy ay isang inspirasyon, hindi lamang sa aming mga kapwa artista kundi sa bawat Pilipinong nangangarap at nagsusumikap. Sa loob ng maraming dekada, siya ang naging tinig, mukha, at damdamin ng sambayanang Pilipino,” ani ng aktor at mambabatas.
Bilang pagpupugay sa pagpanaw ni Aunor, inihain ni Revilla ang Senate Resolution No. 1339 upang ipahayag ang kaniyang taos-pusong pakikiramay at pagkilala sa hindi matatawarang ambag ng batikang aktres sa pelikula at kulturang Pilipino.
Si Nora Aunor, kilala ng marami bilang “Ate Guy,” ay unang nakilala matapos niyang manalo sa patimpalak na Tawag ng Tanghalan noong 1967 sa pamamagitan ng kanyang pagtatanghal ng kantang “Moonlight Becomes You.” Kalaunan, tinagurian siyang “The Girl with a Golden Voice” at naglabas ng mahigit 500 kanta tulad ng “Pearly Shells,” “Handog,” at “People.”
Sinundan ito ng kaniyang matagumpay na karera sa pag-arte, kung saan umabot sa mahigit 170 pelikula ang kaniyang pinagbidahan at umani ng maraming parangal—kabilang ang pitong Gawad Urian Best Actress awards. Tatlong beses din siyang pinarangalan bilang “Natatanging Aktres ng Dekada,” naging miyembro ng FAMAS Hall of Fame, at ginawaran ng lifetime achievement awards mula sa Film Academy of the Philippines, Cultural Center of the Philippines, at National Commission for Culture and the Arts.
Nakilala rin si Nora Aunor sa buong mundo. Siya lamang ang natatanging Pilipinang aktres na ginawaran ng mga parangal mula sa limang magkakaibang kontinente, kabilang ang Best Actress sa Cairo International Film Festival (1995) para sa The Flor Contemplacion Story, Best Actress sa Malaysia (1997) para sa Bakit May Kahapon Pa?, Best Actress sa Brussels International Independent Film Festival (2004) para sa Naglalayag, Asia Pacific Screen Award (2013) para sa Thy Womb sa Australia, at kinilala bilang isa sa 10 Asian Best Actresses of the Decade (2010) sa North America.
Noong 2022, kinilala si Nora Aunor bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining sa Pag-broadcast, isa sa pinakamataas na pagkilalang maaaring igawad sa mga Pilipinong alagad ng sining.
“Ate Guy, katulad ng paborito mong awitin na ‘I’ll Never Find Another You’, wala na kaming makikilalang katulad mo. We will never find another you. Nag-iisa ka, at labis ka naming mami-miss. Paalam sa isang tunay na Superstar,” ani Bong Revilla na puno ng emosyon.