ILANG minuto pa lamang ang nakalilipas matapos buksan ang botohan sa Barangay Bugnay, Tinglayan, nang biglang bulabugin ito ng magkakasunod na putok ng baril na umalingawngaw nang tatlo hanggang limang minuto.
Sa kabila ng nakakabinging putukan, hindi natinag ang ilang rehistradong botante at itinuloy pa rin ang pagboto.
Karamihan sa mga maagang bomoto ay ang mga nakatatanda.
Bantay-sarado naman ng mga sundalo, pulis, at mga barangay officials ang Bugnay Elementary School.
Kasabay ng pagpapatuloy ng botohan ang tunog ng putok ng baril na mula umano sa tribo ng Betwagan mula sa Sadanga, Mt. Province.
Dahil sa tumitinding tensiyon, napagdesisyunan ng election officer in charge at mga barangay officials na pansamantalang ipagpaliban ang botohan makalipas ang higit isang oras upang masiguro ang kaligtasan ng mga botante.
Ayon kay Brgy. Bugnay Capt. Johnny Anggowos, ang desisyon nilang ipagpaliban ang botohan ay para sa kaligtasan ng kaniyang mga nasasakupan.
Taong 2020 aniya nagsimula ang tribal war sa pagitan ng Butbut Tribe at ng Betwagan.
Ang lupain naman sa boundary ng Tinglayan, Kalinga at Sadanga, Mt. Province ang ugat ng tribal war.