Brigada Eskwela, ginawang mas simple—VP Duterte

Brigada Eskwela, ginawang mas simple—VP Duterte

UMARANGKADA na ang Brigada Eskwela para sa School Year 2023 hanggang 2024.

Pinangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang national kick-off nito sa Tarlac National High School.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ng pangalawang pangulo na ginawa nilang mas simple ang Brigada Eskwela.

“Noon naging complicated, naging contest na, naging paligsahan na ‘yung Brigada Eskwela. And nakita namin na nawala na ‘yung objective ng Brigada Eskwela. Kaya ibinalik namin. Pinasimple namin,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Sa inilabas na DepEd Order 21, ipinag-utos ni Vice President Duterte na hindi dapat gawing kompetisyon ang Brigada Eswela.

Sa halip ay dapat maghikayat at palakasin nito ang kooperasyon at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga stakeholder ng edukasyon.

Dahil dito, kanselado ang nakaugaliang pagbibigay pagkilala sa mga eskuwelahan tulad ng Best Implementing School Awards, Hall of Fame Awards, at Brigada Plus.

Nakasaad din sa nasabing kautusan na dapat tiyakin ng mga paaralan na ang mga school ground, silid-aralan at lahat ng mga pader nito, at iba pang pasilidad ay malinis mula sa mga hindi kinakailangang dekorasyon, tarpaulin at poster.

“Gusto lang natin na makita natin sa ating mga paaralan [na] functional, clean, and orderly. Ibig sabihin lahat ng kalat sa loob ng classroom at sa loob ng eskwelahan linisin na,” dagdag ni VP Duterte.

Tatagal ng isang linggo ang Brigada Eskwela mula August 14 hanggang 19.

VP Duterte, dinipensahan ang hiling na P150-M confidential fund para sa DepEd ngayong 2024

Samantala dinipensahan naman ni Vice President Duterte ang hiling na confidential funds para sa DepEd sa 2024 National Budget.

Muling iminungkahi ng pangalawang pangulo ang P150-million confidential fund para sa susunod na taon na parehong halagang ibinigay ng Kongreso sa DepEd nakaraang taon.

“We leave it to the decision of Congress, the House of Representatives and the Senate. Basta kami nagproposed kami. Iniwan namin sa kanila ang desisyon,” aniya pa.

Punto ng pangalawang pangulo kung bakit mahalaga ang confidential fund ay dahil ang edukasyon ng mga kabataan aniya ay may kinalaman din sa national security.

“Education is intertwined with national security. Napakahalaga na we mold children who are patriotic children, who will love our country, and who will defend our country,” ayon pa kay VP Sara.

Matatandaan na una nang ipinaliwanag ni Vice President Duterte noon ang pangangailangan ng kagawaran ng confidential fund sa 2023 national budget.

Ayon sa pangalawang pangulo na ang bahagi ng nasabing pondo ay gagamitin laban sa mga ilegal na gawain na pumupuntirya sa mga estudyante.

Halimbawa na lamang ng mga ito ay ang sexual grooming at sexual abuse sa mga paaralan, recruitment sa terorismo, at pag-abuso sa ilegal na droga.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble