HINDI maaaring alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ito ang inihayag ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kasunod sa ulat na nanawagan ang Chinese government sa gobyerno ng Pilipinas na tanggalin ang naturang barko.
Ayon kay Atty. Harry Roque, mawawala ang pain ng bansa sa Amerika na masangkot sa hidwaan ng Pilipinas at China sakaling alisin ang BRP Sierra Madre na isang commissioned navy ship dahil sa Mutual Defense Treaty.
Nakasaad sa Mutal Defense Treaty na kung inatake ang hukbong sandatahan ng Pilipinas ay sasaklolo ang Amerika.
Nilinaw din ng dating Palace official na ang Ayungin Shoal ay hindi teritoryo na sakop ng soberanya at hurisdiksiyon ng Pilipinas kundi kabahagi lamang ng EEZ na nagbibigay sa bansa ng karapatan na mangalap ng mga tanging yaman sa karagatan.
Ayon pa kay Atty. Roque, walang kinalaman ang BRP Sierra Madre na mapalakas ang titulo ng bansa sa Ayungin dahil economic rights lamang ang mayroon dito.
Hindi rin aniya ibig sabihin na kung maaalis ang barko ay inaaabandona na natin ang karagatan dahil nakasaad na sa United Nations Convention for the Law of the Sea (UNCLOS) ang karapatan ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.