MAS hinigpitan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang ang kaniyang seguridad.
Iyan ay matapos ng insidente ng pamamaril sa kaniyang back-up vehicle sa Skyway na patungong Quezon City kamakailan.
“‘Yung movement ko, pinaplano ng maiigi para maiwasan na ‘yung ganoong sakuna. And of course, ayaw natin na nag-aalala ‘yung pamilya natin, mga kaibigan, and of course ‘yung public no,” ayon kay Director General Gregorio Catapang Jr., BuCor.
Ang naturang sasakyan ay ipinahiram ni Catapang kay Deputy Director General for Administration Atty. Al Perreras bilang service vehicle nito.
Tinamaan ng bala ang likurang bintana subalit hindi ito tumagos dahil ito ay bullet proof glass pero ang direksiyon ng bala ay patungo sa passenger front side kung saan umuupo lagi si Perreras.
Wala namang security officers ang tinamaan ng bala sa nasabing pamamaril.
BuCor Chief Catapang, nakatatanggap ng mga banta sa buhay
Kaugnay rito, sinabi ni Catapang na nakatatanggap siya ng mga banta sa buhay na pinaniniwalaan niyang mula sa mga tutol sa mga repormang ginagawa niya sa BuCor.
“Mag-ingat kayo ganoon. May araw din kayo. Mga ganoon. Pinapasabi mga ganoon,” saad ni Catapang.
“Those who are against the reforms we are doing in BuCor, they are more na naapektuhan. And talagang we are looking on these things. Maraming nangyayari na I cannot divulge to you because on-going naman ‘yung investigation hindi lang sa NBP kundi pati sa ibang kolonya,” dagdag pa nito.
Bantag, hindi maituturong suspek ni Catapang; Posibleng ‘person of interest’ sa ambush
Sa ngayon, pinauubaya ni Catapang sa Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon.
Hindi naman maituturong suspek ang dating hepe ng BuCor na si Gerald Bantag sa pang-aambush sa nasabing sasakyan ayon kay Catapang.
Ngunit maaari aniya umanong maging “person of interest” si Bantag.
“Wala namang ganoon na pinaghihinalaan. Of course, siyempre nakita niyo naman doon sa ‘yung mga vloggers group noong pagkaupong pagkaupo ko, humaharap pa siya sa media. Kung gaano ako niyang bastusin. So, he has something against us. So, siguro pwede rin siyang ano maging person of interest ganoon. Parang ganoon,” saad pa ni Catapang.