BuCor Chief, walang nilabag sa paglagay ng control gate sa Katarungan Village

MALINAW na ipinaliwanag ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag na accessible pa rin ang ginawa nilang control gate sa Katarungan Village pero may kahigpitan lamang.

Ikinalulungkot ni Director General Gerald Bantag ang nangyaring pagdeklara sa kanya ng persona non grata ng Muntinlupa.

Ito’y sa kabila ng kaniyang kagustuhan na magawa ang kaniyang trabaho na maisaayos ang New Bilibid Prison alinsunod sa batas na kanyang sinusunod bilang BuCor Chief.

“Itong Sanggunian naman ng Muntinlupa ay yung pagdeklara nga na persona non grata ay siguro trabaho din nila yun. Kaso sa isang katulad namin na nagtatrabaho tapos idi-declare nilang ganun ka o yung taong susunod pa siguro.  Halimbawa Muntinlupa ito persona non grata ka. Paano kung mayroon din kang lilipatan uli na ganyan din kasing katulad ng trabaho mo dito gagawin mo uli aayusin mo, di-declare ka naman dun, paano yan. Ano ngayon ang susundin mo yung mga hindi nakakaalam ng batas na nagdi-declare sayo ng persona non grata o yung talagang tinakda ng batas na dapat mong gawin,” pahayag ni Bantag.

Dagdag pa ni Bantag na control gate lamang ang ginawagawa ng BuCor gaya ng South Ville III, na taliwas sa mga akusasyon ng mga residente sa Katarungan Village at ng Muntinlupa na wala na raw madadaanan dahil saradong pader di umano ang gagawin ng BuCor bagay na pinasinungalingan ni Bantag.

“Itong ginagawa namin sa Katarungan ay katulad din ng ginawa namin sa South Ville III control gate lang pero anong ginawa nila gagawa kami ng control gate sinira nila. Anong gagawin namin alangan naman umatras kami dahil sa mga ganun lang na mga tao. Eh kami ang batas dito eh. Kami ang nagpapatupad ng batas dito. Pero maglalagay pa rin kami ng control gate kasi nga may mga affected dyan na mga individuals, mga mamamayan na dumadaan din dito katulad ng teachers, students…so isasaayos lang naman natin ang lahat. Eh, yun siguro hindi nila nagustuhan dahil yung pagbabago nga na matagal naman na nila kasing ini-enjoy. Dati kasi meron naman silang daanan, sinara nila tapos nakiraan sa amin hanggang yan ang nadatnan ko,” aniya pa.

Ipinaliwanag din ni Bantag kung ano ang Control Gate na magbibigay ng  seguridad para sa NBP.

“Ang control gate na sinasabi natin ay walang pinagkaiba yan sa Camp Aguinaldo, Camp Crame na controlled nila kung sino yung mga dumadaan. Ganun lang kasimple, yung hindi authorized ay hindi padadaanin,” ayon kay Bantag.

Dagdag pa ni Bantag na wala siyang nilalabag na batas sa kaniyang ginagawa sa NBP dahil ang kanyang layunin lamang ay matulungan na mapagaan ang trabaho ng susunod na BuCor chief.

“Ang paglalagay natin sa control gates na yan, sa katunayan nagkaroon kami ng Congressional hearing in aid of a legislation. Doon pa lang sana eh dapat may kaso na ako eh, wala naman. Walang pumigil sa amin dahil alam din nila na nasa batas ang ginagawa namin. Sino ang gagawa, ako ang nakalagay dito sasabihin ko pa bang yung susunod pa uli? Ibig sabihin tong ginagawa naman namin ngayon part namin to eh na siguro makakagaan din naman sa susunod na henerasyon mga bagong empleyado, bagong director general ng BuCor at saka pagkokontrol kasi sa isang kulungan ang nakasalalay din dyan ay yung mga taumbayan kasi mga drug lords ang mga nandyan,” dagdag ng BuCor chief.

Ayon kay Bantag, isa tong kapamaraanan para hindi mamayag pag ang mga druglords sa ating bansa, at isa pa rito ay wala na tayong marinig at malaking transakasiyon sa iligal na droga sa Bilibid dahil sa pinaigting na seguridad.

SMNI NEWS