Bulacan Gov. Daniel Fernando, pormal nang inendorso sa pagkapangulo si VP Robredo

Bulacan Gov. Daniel Fernando, pormal nang inendorso sa pagkapangulo si VP Robredo

PORMAL nang inendorso ni incumbent at reelectionist Bulacan Governor Daniel Fernando si Vice President Leni Robredo sa pagkapangulo.

Sa isang kaganapan sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City, tinawag ni Fernando si Robredo na “President” habang ipinakilala siya nito sa karamihan.

“Minamahal kong mga kalalawigan, sama-sama po nating palakpakan at salubungin ng isang masigabong palakpakan na may pag-asa, bise presidente, Republika ng Pilipinas, President Maria Leonor ‘Leni’ Gerona Robredo,” ani Fernando habang ipinakilala ang bise presidente.

Ito ang inanunsyo ni Fernando, ilang araw matapos ang press statement ng kampo ni presidential aspirant Bongbong Marcos na wala pang iniendorso ang gobernador.

Lubos namang nagpapasalamat si Robredo sa ginawang pag-endorso sa kanya ni Fernando na malaki aniyang tulong.

Ang Bulacan ang ika-lima sa most vote-rich province na may mahigit 2 milyong registered voters para sa 2022 polls.

Sinabi pa ni Fernando na dapat iboto ng mga Bulakeño ang isang lider na mag-iingat ng demokrasya sa Pilipinas.

“Bilang sambayanang Bulakenyo na naging tahanan ng unang malayang republika ng Asya, hinihiling nating lahat ang tulong at gabay ng Diyos na sa ating henerasyon, nawa’y mapagkalooban tayo ng isang mabuting pinuno na taus-pusong kakalinga sa ating mga kababayan,” saad ni Fernando.

“Isusulong ang demokrasyang pamana ng ating mga pinuno, pamamahalaan ang gobyerno para sa kabutihan ng tao, at magbubunsod ng tunay na pagbabago sa ating lipunan,” dagdag pa ng gobernador.

Si Robredo ay natalo ni Marcos sa Bulacan noong 2016 VP race ng 190,401 votes.

Follow SMNI News on Twitter