Bulkang Kanlaon nananatili sa Alert Level 3; Posibleng mapanganib na pagsabog, nakaamba

Bulkang Kanlaon nananatili sa Alert Level 3; Posibleng mapanganib na pagsabog, nakaamba

SA loob ng 24-oras na pagmamanman mula alas-dose ng hatinggabi ng Mayo 21 hanggang alas-dose ng madaling araw ng Mayo 22, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng pitong volcanic earthquakes sa paligid ng bulkan.

Bukod rito, namataan ang pamamaga sa katawan ng Kanlaon na indikasyong may umaakyat na magma na maaaring magdulot ng biglaang pagsabog.

Tumaas din ang antas ng sulfur dioxide emission na naitala sa 1,250 tonelada kada araw. Patunay ito na patuloy ang degassing process sa bulkan.

Nagbuga rin ng makapal na puting usok ang Kanlaon na may taas na humigit-kumulang 75 metro, na tinangay ng hangin patungong timog-kanluran.

Dahil sa Alert Level 3 status, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone sa paligid ng bulkan.

Bawal din ang pagpapalipad ng anumang uri ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bunganga ng bulkan, upang maiwasan ang sakuna.

Ayon sa PHIVOLCS, maaaring maganap ang mga sumusunod na panganib habang nasa ilalim ng Alert Level 3:

 

— Biglaang pagsabog

— Paglabas ng lava

— Pag-ulan ng abo

— Pagguho ng mga bato

— Pyroclastic density currents

— At lahar flow, lalo na kapag may kasamang malakas na ulan

Pinapayuhan ang mga residente ng Negros Occidental at Negros Oriental na manatiling mapagmatyag, sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan, at agad na lumikas kung kinakailangan.

Samantala, nananatili sa Alert Level 1 ang tatlong iba pang aktibong bulkan sa bansa tulad ng Bulkang Bulusan, Bulkang Mayon, at Bulkang Taal. Ibig sabihin, bagamat may bahagyang aktibidad, wala pang nakikitang banta ng malawakang pagsabog sa mga ito sa kasalukuyan.

Sa harap ng patuloy na pagbabanta ng kalikasan, panawagan ng mga eksperto— manatiling kalmado, maging handa, at huwag balewalain ang mga babala.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble