SA panahon ngayon, habang tumataas ang antas ng teknolohiya, ay dumarami rin ang techy people kaya naman ang paggamit ng drone – hindi na bago pa.
Kahit nga ‘yung mga ordinaryong mamamayan, may kakayahan na ring bumili at mag-operate nito.
Kaya naman ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), maglalabas ng mga bagong guidelines kaugnay rito.
Sabi nga ng CAAP – dapat na sundin ang mga patakaran at regulasyon patungkol sa pagpapalipad ng drone.
Ang bagong alituntunin ay naglalaman ng mga limitasyon sa altitude at distansiya ng paglipad, mga no-fly zones, at iba pang safety guidelines, privacy at security katulad na lamang ng mahalagang pagrespeto ng privacy ng ibang tao at hindi dapat magamit ang drone para sa paglabag sa privacy ng iba.
Dapat ding alamin at tandaan na may mga lugar kung saan hindi dapat mag-operate o magpalipad ng drone.
Sinabi ni CAAP Flight Operation Department Head Capt. Ian Michael del Castillo na may mga inamyendahan na silang regulasyon hinggil sa paggamit ng drone na matatagpuan sa CAAP website.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 010-2024, nakasaad na kapag para lang sa ‘libangan’ ang paggamit ng drone – dapat ay nasa 400 feet maximum altitude lang ito. Hindi rin pwedeng magpalipad sa maraming tao, gayundin sa loob ng 10-kilometer aerodrome radius sa paliparan.
“Kung drone operator ka at hindi mo alam na ito’y pala’y helicopter route, or ito pala’y dinadaanan ng eroplano, pagka-tumama ang drone sa eroplano, doon tayo nagkakaroon ng problema,” ayon kay Capt. Ian Michael del Castillo, CAAP.
Kailangan ding lisensiyado ang operator at ang drone ay dapat ding rehistrado kung may specific use halimbawa para sa komersiyal na layunin.
“If you are a hobbyist no need, up to 35 kg, but if it is specific use, then you’ll need a licensed for the operator and the drone should be a registered,” saad pa ni Castillo.
Kapag lumabag ang drone operator sa isinasaad na batas ng CAAP ay maaari itong pagmultahin ng halagang aabot sa P300-K-P500-K.
Sabi pa ni Capt. Castillo, maghihigpit sila sa pagpapalipad ng drones dahil marami pa ring lumalabag sa paggamit nito.