NAKAALERTO ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa posibleng pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.
Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa airlines operator at kinauukulang ahensiya ng gobyerno na nag-ooperate sa mga paliparan para sa karagdagang tauhan sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday break.
Kabilang sa mga ahensiya ang Office of Transportation Security (OTS) at Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP).
Paalala rin ng CAAP para iwas-abala, huwag magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa paliparan.
Matatandaan, dahil sa travel ban na ipinataw sa nakalipas na dalawang taon dulot ng COVID-19 pandemic, inaasahan ang pagtaas ng turismo ngayong taon.
Naiulat na taong 2019, nasa halos 30M na mga pasahero ang tinanggap ng mga paliparan ng CAAP mula Enero hanggang Disyembre 2019, na may 2,537,774 na mga pasahero na bumiyahe noong buwan ng Disyembre.
Taong 2020 bumababa sa mahigit 6M na pasahero lamang ang bumiyahe mula Enero hanggang Disyembre 2020, kung saan higit 200,000 na pasahero lamang ang bumiyahe noong Disyembre 2020.
Noong nakaraang taon, umabot naman sa mahigit isang milyong pasahero ang naitala noong Disyembre 2021 habang higit 5M pasahero naman ang naitala mula Enero hanggang Disyembre 2021.
Sa ngayon sa taong ito, humigit-kumulang 16 milyong pasahero ang bumiyahe sa mga paliparan ng CAAP mula Enero hanggang Oktubre lamang, at higit pa ang inaasahang bibiyahe sa panahon ng holiday rush.
Sa historical data ng CAAP pre-pandemic, tinatayang humigit-kumulang 7-10% na pagtaas ng bilang ng mga pasahero ang inaasahan taon-taon.
Sa kasalukuyan, pinapaluwag ang mga paghihigpit sa paglalakbay at nakahanda naman ng CAAP sa pagtaas ng demand sa paglalakbay.