NITONG Bagong Taon, libu-libong mga pasahero ang naapektuhan ang kanilang biyahe dahil sa Air Traffic Management System (ATMS) glitch.
Kasunod nito, inihayag ng ilang senador na magpapatawag sila ng imbestigasyon sa Senado hinggil sa nangyaring aberya.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) deputy director General Captain Edgardo Diaz na handa silang humarap sa anumang imbestigasyon.
“Kami po ay nakahanda. We welcome all the inquiries po na gagawin ng ating—anumang sektor ng ating gobyerno po ‘no – mapa-Senado o sa ating mga kasamahan po sa gobyerno,” saad ni Capt. Edgardo Diaz, Deputy Director General, CAAP.
Bukas aniya ang CAAP sa anumang pagsisiyasat at nakahandang ilatag ang mga nais malaman hinggil sa naganap na aberya.
“Open po kami diyan, we are willing to talk with them and to show them whatever they wanted ‘no. So nakahanda po tayo diyan at wini-welcome po natin iyan,” ani Diaz.
Una nang tiniyak ng Malacañang na magkakaroon ng masusing pagsisiyasat sa nangyaring technical glitch sa radar at navigational system ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Office of the Press Secretary Officer-In-Charge Cheloy Garafil na isasagawa ng mga kinauukulang ahensiya ang pagsisiyasat hinggil sa nangyaring technical glitch.
Kaugnay dito, nagsumite na ng rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang CAAP para maisaayos ang Air Traffic Management System ng bansa.
Sa kabilang banda, muli namang tiniyak ng CAAP na tapat sila sa sinumpaang tungkulin na pahalagahan ang kaligtasan ng bawat biyahero.
“Kaya tapat po sa aming sinumpaang mga tungkulin ‘no na ang safety po ninyo ang pinakauna naming iisipin at hindi po natin puwedeng pabayaan iyan. Rest assured you are safe, the sky is safe… kami po’y nakahanda para gawin po iyan,” aniya pa.
Iniulat naman ni Diaz na sa ngayon, balik normal na ang operasyon sa buong bansa.
Ibig sabihin nito, gumagana na ang lahat, at nako-cover na ng radar at ng communication ng CAAP ang mga himpapawid.