NAGLUNSAD ang Department of Tourism (DOT) Region 10 ng isang limitless adventure sa probinsiya ng Camiguin, North Mindanao noong Mayo 13.
Isang exciting at di malilimutang pamamasyal ang handog ng DOT ngayong summer para sa mga turistang mahilig mag bisikleta.
Ang “Bike NorthMin” ay layuning gawing popular ang bike tourism sa rehiyon at maipakita ang buong potensiyal nito sa industriya ng turismo.
Ayon kay DOT-10 Regional Director Marie Elaine Unchuan, ang pagbibisikleta ay isa sa pinakamabilis na lumalagong paraan ng transportasyon at recreational activities.
Ito rin ay maginhawa, madaling gamitin, low-maintenance, eco-friendly, at nagpro-promote ng healthy lifestyle.
“Bike tourism in the Philippines is an untapped potential that can generate economic growth and promote sustainable tourism. This allows tourists to immerse themselves in the local culture and experience the beauty of our region,” ayon kay Marie Elaine Unchuan, DOT-10 Regional Director.
Ani Uchuan, naglalayon ito na hikayatin ang gobyerno at pribadong sektor na mamuhunan sa pagtataguyod at pagbuo ng bike tourism, na maaaring makaakit ng mas maraming bisita at lumikha ng mga oportunidad sa trabaho para sa mga lokal na komunidad.
Upang opisyal na simulan ang “Bike NorthMin,” ang DOT Region 10, sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Camiguin at recreational outdoor exchange ay nakatakdang magsagawa ng 64-kilometer bike tour sa magandang isla ng Camiguin, sa darating na Mayo 28, 2023.
Ibinahagi rin ni Unchuan na ang DOT-10 ay higit na makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga potensiyal na ruta ng pagbibisikleta at bumuo ng mga kinakailangang imprastraktura tulad ng mga bike lane at parking area; Isulong ang mga bagong ruta ng pagbibisikleta sa rehiyon; at Hikayatin ang mga mahilig sa pagbisikleta na tuklasin ang likas na kagandahan ng rehiyon.
Ang DOT Region 10 ay magsasagawa rin ng ‘road safety awareness programs’ upang turuan ang publiko sa ligtas na pamamaraan sa pagbibisikleta.