ISANG kilalang Canadian vlogger ang bumoto sa kauna-unahang pagkakataon bilang isang naturalized Filipino citizen.
Sa lungsod ng Taguig, isang espesyal na karanasan ang ibinahagi ng content creator na si Kyle Jennermann, mas kilala bilang “Kulas” ng Becoming Filipino Vlog, matapos siyang makaboto sa unang pagkakataon bilang isang naturalized Filipino citizen.
Sa isang post sa Facebook, ikinuwento ni Kyle ang kaniyang karanasan sa pagboto nitong Lunes.
Aniya, umabot lamang ng 45 minuto ang buong proseso.
Mahigpit din aniya ang seguridad sa lugar ng botohan—may litrato at pangalan sa pintuan ng voting area, fingerprint scanning, at maagang pagpaparehistro sa COMELEC.
Sa huli, hinikayat niya ang mga botanteng Pilipino na huwag palampasin ang pagkakataong bumoto hanggang sa pagsasara ng botohan alas-7 ng gabi.
Si Kyle Jennermann ay opisyal na naging naturalized Filipino citizen noong 2023.