DINEPENSAHAN ni Hong Kong Chief Executive Carrie Lam ang hindi pagsusuot ng mask sa mga news conference.
Ipinagtanggol ng pinuno ng Hong Kong ang kanyang sarili laban sa mga kritisismo sa pagsasabing lumalabas siya para sa mga news conference nang walang face mask upang makita ng mga tao kung gaano siya ka-sinsero kapag pinag-uusapan ang pagsiklab ng Coronavirus.
Ang pagdami ng locally transmitted infection sa taong ito ay humantong sa mga restriksyon na naging dahilan upang ang global financial hub ay maging isa sa isolated cities sa mundo.
Si Lam ay nakatanggap ng kritisismo mula sa mga health expert matapos ang hindi pagsusuot ng mask sa harap ng publiko pero hinihikayat ang mga ito na sumunod sa istriktong hakbang laban sa pandemya.
Inihayag naman ni Lam na nagsusuot sya ng face mask sa ibang aktibidad.
Samantala, hinimok ni Lam ang mga tao na iwasan ang mga pagtitipon at pagsasama-sama ng pamilya sa Chinese New Year sa darating na Pebrero.