PORMAL nang idineklara bilang bagong alkalde ng bayan ng Tinglayan, Kalinga si dating Vice Mayor Charles Abay matapos ang mahabang kampanya at bilangan ng boto noong Mayo 12.
Nitong Martes, Mayo 13, pormal na idineklara ng Commission on Elections (COMELEC) si Abay bilang nanalo sa mayoral race sa nasabing bayan.
Sa kabuuang 21 clustered precinct, nakakuha si Abay ng 5,807 boto, bahagyang mas mataas kumpara sa 5,022 boto ng kanyang katunggaling si Roger Ngao-i.
Bilang pasasalamat, nagdaos ng isang salo-salo si Abay para sa mga tumulong at sumuporta sa kaniyang kampanya. Kasabay nito, umaasa ang kaniyang mga kababayan na maisasakatuparan niya ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang bayan partikular ang edukasyon ng mga kabataan.
“Para sa mga estudyante, dito sa Tinglayan kailangan namin ‘yung support o scholarship para sa mga young people… dahil wala silang kakayahan sa pag-aaral, lalong-lalo na sa mga magulang na wala silang perang ibinabayad para sa pag-aaral ng kanilang anak,” pahayag ni Pastor Rimando Manallog, Northern Luzon Presbyterian Church.
“Inaasahan po namin na itong darating na administrasyon ng bagong mayor ay bigyan ng—uunahin po niya ang edukasyon dahil naniniwala po kami na ang edukasyon ay pundasyon ng improvement ng isang lugar,” wika ni Renita Agod, Teacher.
“Narinig po namin ang platform niya at ang expect ko gagawin niya ‘yung sinabi niya na educational assistant. So, maraming makikinabang na kabataan, lalong-lalo na sa pag-aaral nila, maraming matutulungan… lalo na po ako, nursing student. Marami pong babayarin sa mga RF fees, mga ganoon, kailangan po talaga iyon,” ayon kay Resleen Manallog, Nursing Student.
Bukod sa edukasyon, naniniwala rin ang ilang taga-Tinglayan na magkakaroon ng progreso ang kanilang bayan, partikular sa pagkakaroon ng ospital.
“With regards to governance, I have seen and observed that he is very good regarding the implementation of development here in our territory,” saad ni Brgy. Capt. Antonio Sacyab, Brgy. Ampatu Legleg, Tinglayan, Kalinga.
“At isa pa ‘yung para bang ospital. Diba mayroong Malasakit? Dapat dito sa munisipyo mayroon sanang—magtulungan tayo kasi karamihan din dito may mga walang mag-ano ng papers, ng mga birth certificate. Karamihan walang pera,” pahayag ni Marino Pa-in, Adviser of Charlie Abay.
Umaasa rin si Marino Pa-in na mas magiging mabilis ang serbisyo ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng bagong administrasyon.
“Hindi namin sana pahirapan ang mga kliyente. We will do na pag may pumunta sa munisipyo na kliyente, we will implement the citizen center. Lahat ng mga pagagawin nila ay approve, walang umuuwi na hindi po ma-approve ‘yung paggagawa nila sa munisipyo. ‘Yan ang gusto kong maaasahan ngayong administrasyon na ito,” dagdag ni Pa-in.
Ilan rin sa mga inaasahang tututukan ng bagong alkalde ay ang suplay ng kuryente sa kanilang bayan.
“Dito po sa Tinglayan, pinakamahalaga talaga ang kuryente. Lahat ng bahay, establishment mayroong kuryente na rin. Lahat ng business nakasalalay na rin sa kuryente, lalo ‘yung paaralan, pag-aaral ng mga bata… Sana ‘yung bagong administrasyon ngayon, magbigay ng full support sa electric coop, ito ‘yung KAELCO. Sana si bago nating mayor, lahat po ng pangangailangan natin, eh ibibigay po siya, wala nang tanong kung magbibigay o magdadalawang-isip na tutulong sa pangangailangan natin,” ayon kay Isaac Baliang Jr., Board President, KAELCO | President, Federation of Cordillera Electric Cooperative.
Samantala, hiniling din ng kaniyang ama, dating Tinglayan Mayor Fernando Abay, na matutukan ang mga pangunahing proyekto gaya ng road networks at health services.
“Ang matagal ng problema ngayon dito sa Tinglayan ay ‘yung road network, connecting the barangays, at health service. ‘Yan talaga ang kailangan kasi ‘yun ang nagpapahirap sa munisipyo—’yung kakulangan ng health services,” wika ni Fernando Abay, Former Mayor, Tinglayan, Kalinga.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Incoming Mayor Charles Abay sa lahat ng mga sumuporta sa kanyang kandidatura.
“Una sa lahat, umpisahan ko muna na magpasalamat sa mga kababayan ko, mga taga-Tinglayan. In behalf ng pamilya Abay… nagpapasalamat kami at sinamahan n’yo kami sa campaign trail, kaya nagbunga ang pagod n’yo sa pagkapanalo natin. So, sa kababayan nating Tinglayanon, itong term na tatlong taon ay hindi ko rin magagawa ang plano ng ating grupo with the legislative kung hindi rin kami masusuportahan. So, kailangan ko rin kayo, umalalay din sa aming plans at programs sa development ng ating bayan,” ayon kay Charles Abay, Incoming Mayor, Tinglayan, Kalinga.
Kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ni Abay ay ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, pagpaparami ng trabaho, pagpapalakas ng peace and order, at pagpapaunlad ng healthcare system.
Samantala, nanawagan ang kanyang maybahay sa mga taga-Tinglayan, kabilang na ang mga taga-Butbut, na magkaisa para sa ikauunlad ng kanilang bayan.
“I am calling to all Tinglayanon… magtulong-tulong tayo for the progress of Tinglayan. Hindi dapat ma-divide ang Tinglayan. We are not able to achieve our goal kung mawatak-watak ang mga tribo,” ani Asawa ni Mayor Abay.
Kabilang sa mga nais pagtuunan ni Mayor Abay ay ang matagal nang tribal war sa pagitan ng Butbut Tribe ng Barangay Bugnay sa Tinglayan at Betwagan Tribe mula sa Barangay Betwagan, Sadanga, Mountain Province.
Ang pagkapanalo ni Charles Abay bilang bagong alkalde ng Tinglayan ay nagbibigay ng bagong pag-asa para sa mga mamamayan nito.
Sa pangakong pagtutok sa edukasyon, kalusugan, at mga pangunahing serbisyo, umaasa ang kaniyang mga kababayan na maisasakatuparan ang mga pangarap para sa mas maunlad at mas progresibong bayan.
Patuloy nating tututukan ang mga susunod na hakbang ng kaniyang administrasyon upang masaksihan kung paano maisasakatuparan ang mga pangako para sa Tinglayan.
Follow SMNI News on Rumble