China: Lehitimo at propesyonal ang paglapit ng helicopter sa PH Aircraft sa SCS

China: Lehitimo at propesyonal ang paglapit ng helicopter sa PH Aircraft sa SCS

BINIGYANG-diin ng Chinese Embassy sa Pilipinas na ang naging kilos ng kanilang Navy helicopter sa umano’y panghihimasok ng eroplano ng Pilipinas sa Huangyan Dao o Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) ay isang kinakailangang hakbang, lehitimo at propesyonal.

Una nang nagpahayag ang National Maritime Council (NMC) ng matinding pagkabahala sa hindi propesyonal at mapanganib na maniobra ng China.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng paglapit ng People’s Liberation Army-Navy (PLA-N) helicopter sa eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na nagsasagawa ng regular maritime domain awareness flight sa Bajo de Masinloc.

Samantala, tinawag naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naturang insidente bilang isang bagong antas ng agresyon mula sa panig ng China.

Bilang tugon, maghahain daw ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng pormal na diplomatic protest laban sa China.

Sa gitna nito, muling iginiit ng Chinese Embassy na ilegal na pumasok ang Philippine aircraft sa airspace ng Tsina nang walang pahintulot mula sa kanilang pamahalaan.

Dagdag pa nito, mananatiling matatag ang kanilang pwersa sa pagtatanggol ng pambansang soberanya at seguridad ng kanilang bansa.

“Forces of the theater command have to resolutely safeguard our national sovereignty and security. Our response is necessary, legitimate, and professional,” saad ng Chinese Embassy in the Philippines.

Samantala, nagbigay ng matinding pahayag si US Ambassador MaryKay Carlson, kinondena niya ang aniya’y mapanganib na maniobra ng PLA-Navy helicopter laban sa Philippine air mission.

Nanawagan si Carlson sa China na iwasan ang ‘coercive actions’ at lutasin ang mga alitan sa mapayapang paraan alinsunod sa international law.

Ngunit hindi ito pinalampas ng China. Ayon sa Chinese Embassy, binabalewala at binabaluktot ng Estados Unidos ang katotohanan.

Aniya, hindi makatarungan ang mga paratang ng US envoy, at ito’y bahagi ng pagpapakalat ng mga maling naratibo tungkol sa isyu ng South China Sea.

“The US ambassador, disregarding the facts and distorting the truth, has unjustly accused China of its lawful maritime rights protection activities while disseminating misleading narratives,” saad ng Chinese Embassy in the Philippines.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble