PUMUTOK ang isang ulat na pinasok umano ng Chinese state-sponsored hackers ang ehekutibong sangay ng gobyerno ng Pilipinas at nagnakaw umano ng mga sensitibong datos bilang bahagi ng years-long campaign nito.
Ang mga dokumento ng militar na may kaugnayan sa territorial dispute sa South China Sea ay kabilang umano sa mga nakuha ng mga hacker kung saan karamihan sa mga ito ay nangyari mula sa unang bahagi ng 2023 hanggang Hunyo 2024, ayon pa sa ulat.
Ang mga akusayong ito ay mariing itinanggi ng China.
Inihayag ng tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Pilipinas na matibay at malinaw ang posisyon ng China tungkol sa isyu ng hacking at cyberattacks.
Giit ng embahada, mahigpit na tinututulan at sinusupil ng China ang hacking at cyberattacks alinsunod sa batas.
“We firmly oppose and crack down on hacking and cyberattacks in accordance with law,” pahayag ng Spokesperson, Chinese Embassy in the Philippines.
Kasabay nito’y nanindigan din ang Beijing laban sa hindi makatwirang pag-label, walang basehang akusasyon, at pagpapakalat ng mga kasinungalingan para sa mga layuning geopolitical.
“And at the same time, we also oppose unjustified labeling, groundless accusations, or smears campaign for geopolitical purposes,” dagdag ng Chinese Embassy.
Tinukoy rin ng Chinese Embassy na sa naturang ulat, kapansin-pansin ang pag-uugnay ng hacking sa isyu ng South China Sea at binanggit na ang Estados Unidos at iba pa ay nagbigay ng suportang teknikal at teknolohiya sa Pilipinas.
Kaya pasaring ng embahada: “Sino ang nasa likod ng mga kasinungalingang ito? At sino ang gumagamit ng mga cyber issue upang magpalala ng sitwasyon sa rehiyon?
“Who is the mastermind behind this hype farce and who is using cyber issues to stir up the regional situation and seek geopolitical interests? The answer is self-evident,” ayon pa sa Chinese Embassy.
Una nang naglabas ng pahayag si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy hinggil sa nasabing isyu.
Hindi direktang kinumpirma ni Uy ang mga ulat na Chinese state-sponsored hackers ang nagtangkang nakawin ang datos mula sa Office of the President kabilang ang mga dokumento ng militar. Sabi lang ng kalihim, walang bagong datos o impormasyon ang nakompromiso o nakuha ng mga hacker.
“Well, there are always attempts to do so and in many instances, for attacks like those, we’re able to detect them early on and when we do so we are able to secure the database and we’re able to secure the systems so that it remains just an attempt and not be able to compromise some of the more sensitive data,” wika ni Sec. Ivan John Uy, DICT.
Umano’y pagnakaw ng Chinese state-sponsored hackers ng mga sensitibong datos ng Pilipinas, espekulasyon lamang hangga’t walang pruweba—geopolitical analyst
Sinabi naman ng isang geopolitical analyst na si Prof. Anna Malindog-Uy na sang-ayon siya sa pahayag ng Chinese embassy na walang basehan ang mga ganitong akusasyon.
Aniya, hangga’t walang pruweba o matibay na ebidensiya, ang mga ulat na ito ay pawang espekulasyon lamang o kaya’y black propaganda ng Western countries laban sa China.
“Kung wala naman silang proof and it’s just statement, I don’t think it has currency. Unless they can prove that it is really hackers na connected sa Chinese government. Kasi kung kaya nilang i-prove ‘yun, then they should try to publicized something that will connect really these hackers to the Chinese government. Pero kung hindi, ano lang ‘yan, hearsay. For me, it’s just speculations or even more propaganda by the Western side of the world against China using the Philippines,” pahayag ni Prof. Anna Malindog-Uy, Geopolitical Analyst.
Nabanggit ni Malindog-Uy na hindi ito ang unang pagkakataon na ang China ay ginamit bilang “bogeyman” sa halos lahat ng nangyayari sa Pilipinas.
Kaugnay rito, nakikita ni Malindog-Uy ang usaping ito bilang isang ‘diversionary tactic’ mula sa kasalukuyang rehimen ng Pilipinas sa gitna ng maraming problema at domestic issues na kinakaharap ng bansa.
“So ‘yun ang problema ng Pilipinas right now, ginagamit ang China as a bogeyman precisely because, it will hype up anti-China sentiment in the country and that’s what Americans like. At the same time, kapag bogeyman lagi ang China sa lahat ng nangyayari sa Pilipinas at laging sinisisi kahit wala namang kinalaman doon, ang nangyayari, lalo pang nagkakaroon ng gitgitan ang dalawang bansa,” giit ni Malindog-Uy.