DALAWANG bagong batas ang pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para palakasin ang karapatan ng Pilipinas sa ating karagatan, protektahan ang kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda, at tiyakin ang ligtas na pagdaan ng mga barko at eroplano sa teritoryo ng bansa.
Ito ay ang Philippine Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act.
Pero sabi ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, ang mga bagong batas na ito ay lubos na lumalabag sa territorial sovereignty at maritime rights ng Beijing sa South China Sea, kaya mariin nitong tinututulan ang nasabing maritime laws.
“This move severely violates China’s territorial sovereignty and maritime rights and interests in the South China Sea. China firmly opposes it,” pahayag ng Spokesperson of the Chinese Foreign Ministry.
Dagdag ng tagapagsalita ng foreign ministry, layunin lamang ng tinaguriang “Philippine Maritime Zones Act” na lalong patibayin ang ilegal na arbitral award sa South China Sea sa anyo ng domestic legislation.
“The so-called “Philippine Maritime Zones Act” aims to further solidify the illegal arbitral award on the South China Sea in the form of domestic legislation,” dagdag ng Spokesperson of the Chinese Foreign Ministry.
Sa batas ding ito, ilegal umano na isasama ang Huangyan Dao o Scarborough Shoal at karamihan sa mga isla at bahura ng Nansha Qundao o Spratly Islands at ang mga kaukulang karagatan nito sa maritime zones ng Pilipinas.
Muling binigyang-diin ng Chinese official na ang Huangyan Dao ay teritoryo ng Tsina.
Tiniyak naman ng China na patuloy nitong gagawin ang lahat ng kinakailangang hakbang alinsunod sa batas upang matatag na ipagtanggol ang soberanya ng teritoryo maging ang karapatan at interes ng kanilang bansa sa dagat.
Sa isang public briefing, sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na hindi sila sumasang-ayon sa naturang pahayag ng China.
Aniya, walang dahilan para magprotesta ang China dahil kung ano ang nakasaad sa maritime zones law, ay kung ano rin ang nakasaad sa international law.
“In fact, iyong kanilang mga sariling batas—mayroon din kasi sila eh, iyong law of China on the territorial sea and contiguous zones. Kung mayroon silang batas, bakit tayo wala ‘no. So kumbaga, we are simply reaffirming our rights. We are simply codifying our rights,” pahayag ni Jonathan Malaya, ADG, National Security Council.
Inihayag din ni Malaya na walang kailangang ikabahala ang People’s Republic of China sapagkat wala naman daw nilalabag ang Pilipinas na kahit anumang international law dito.
“Sinabi ng PRC na naglabas din nga raw sila ng base lines nila dito naman sa Panatag Shoal or sa Scarborough Shoal. Ngayon noong lumabas ito, wala namang specifics iyong kanilang press statement,” dagdag ni Malaya.
Naglabas ng pahayag ang coast guard ng China kamakailan na nagsasabing madalas na nagpapadala ang Pilipinas ng mga barkong pandigma at sasakyang panghimpapawid ng militar upang manghimasok sa karagatan at himpapawid malapit sa Scarborough Shoal.
Inakusahan nito ang Pilipinas na nag-uudyok ng “illegal fishing” sa lugar.