INIHAYAG ng Chinese Ambassador na nakahanda ang embahada na mag-abot ng tulong sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
Nagpaabot ng panalangin ang Chinese Embassy sa mga Pilipinong naapektuhan ng pagtama ng lindol sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa isang pahayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian, sinabi nito na handa ang China na magkaloob ng humanitarian assistance sa mga apektado ng lindol sa Pilipinas.
Naniniwala naman si Huang Xilian na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. agad ding makakaaahon ang mga Pilipino at makababalik sa normal na pamumuhay.
Sa panayam ng media sa Chinese Ambassador, inihayag nito na hihintayin lamang ng embahada ang karagdagang impormasyon mula sa concerned agencies.
Kasama rito ang pag-assess sa mga pinsala na dulot ng lindol na batayan ng ipagkakaloob na disaster relief ng embahada.
“We need to assess what kind of damages or any casualties but we hope there will be no casualties, no damage, but in case there is we will do our best to help,” pahayag ni Huang.
Ang pahayag ng Chinese Ambassador ay kasabay ng ginanap na Unveiling Ceremony ng ‘The Photo Exhibition on the Achievements of China-Philippines Cooperation’ na dinaluhan nito sa Pasay City.
Pahayag pa ni Ambassador Huang Xilian sa naturang event, magsi-setup pa sila ng photo exhibitions sa Cebu, Davao, at Baguio, para maipakita ang lalim ng pagkakaibigan ng Pilipinas at China sa marami pang lugar sa bansa.
Una nang nagkaroon ng photo exhibitions sa Binondo-Intramuros Bridge, sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce, Angeles University, Rizal Park, at Dusit Thani Manila.
Sinabi pa ng Chinese Ambassador na tampok sa naturang exhibition ang high-level exchanges at kooperasyon ng China at Pilipinas sa kalakalan at pamumuhunan, pagtugon sa pandemya, at disaster relief.
“The historic moments of China-Philippines high-level exchanges and cooperation in trade and various fields selected in this photo exhibition are the distinctive marks of China-Philippines friendship,” ani Huang.