PARA palakasin ang tiwala ng mga turistang Chinese, nagdesisyon ang mga awtoridad ng Thailand na payagan ang Chinese police officers na makiisa sa patrol sa ilang siyudad na maraming turista sa bansa.
Ang hakbang na ito ay inanunsiyo ni Thapanee Kiatphaibool, diektor ng Tourism Authority of Thailand (TAT) sa pakikipagpulong kay Prime Minister Srettha Thaivisin sa Suvarnabhumi Airport.
Ang pokus ng hakbang na ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista sa pananatili sa Thailand.
Upang maging matagumpay ay makikipag-ugnayan din ang TAT at Tourism and Sports Ministry sa chief ng Central Investigation Bureau at Tourist Police.
Sa Nobyembre 15 ay makikipag-usap ang gobyerno sa Chinese Embassy sa Thailand ukol sa pag-deploy ng Chinese police sa major Thai tourist cities.
Inaasahan na malaki ang maitutulong ng inisyatibo na ito para mag-host ng aabot sa higit apat na milyong Chinese tourists sa nalalabing dalawang buwan ng taon.