DAPAT paigtingin ang mga batas laban sa maling paggamit ng artificial intelligence (AI), partikular sa paggawa ng mga deepfake content na maaaring gamitin sa panlilinlang, paninirang-puri, at iba pang cybercrime.
Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Deputy Executive Director Assistant Secretary Renato ‘Aboy’ Paraiso, kailangang mapanagot at masampulan ang mga indibidwal o grupo na gumagamit ng AI para sa krimen.
Sa kasalukuyan, wala pang matibay na batas sa Pilipinas na tumutukoy sa regulasyon ng AI. Ayon sa opisyal, kailangang unahing linawin kung ano ang magiging saklaw ng batas at kung paano ito epektibong ipapatupad.
“Right now step by step, Kailangan i-tackle muna natin, ano ba talaga ang regulation ng AI. Kasi ‘yung magbibigay tayo ng tools to detect AI? Tapos nun ano ang gagawin natin kapag na-detect natin? Kasi wala pang solidong batas how to regulate AI,” saad ni Asec. Renato ‘Aboy’ Paraiso, Deputy Executive Director, CICC.
Binanggit din ng opisyal na isa lamang kasangkapan ang AI, at nasa tao kung ito’y gagamitin sa mabuti o masama.
Naniniwala ang opisyal na dito dapat magsimula ang usapan: sa pagitan ng gobyerno, private sector, tech experts, at mga mambabatas—upang makabuo ng balanseng regulasyon.
“Kasi ang deepfake na ‘yan nagsimula sa CGI—computer generated imagery para pagandahin ang mga pelikula natin. So, may magandang paggamit, may maling paggamit din. So, I think that’s where regulation should lie, and the talk should start and I think the legislation should follow,” ayon kay ASec. Renato ‘Aboy’ Paraiso, Deputy Executive Director, CICC.
Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na may tools o teknolohiya na silang ginagamit para tumukoy o mag-analisa ng mga AI-generated na content.
Bukod sa AI, isa pang hamon na kinakaharap ng mga awtoridad ay ang kawalan ng regulasyon sa mga Over-the-Top (OTT) platforms gaya ng Viber, Messenger, at Telegram.
Napag-alamang ginagamit ang mga nasabing platform upang mangalap ng personal na impormasyon tulad ng pangalan, petsa ng kapanganakan, at iba pa—mga detalyeng posibleng ibenta sa black market o gamitin sa scam at identity theft.
CICC, isasailalim sa restructuring para labanan ang cybercrime at fake news
Samantala, inihayag ni Paraiso na isasailalim sa restructuring ang CICC upang mas mapagtibay ang mandato nito sa imbestigasyon at koordinasyon laban sa cybercrime.
Dagdag ni Paraiso, isusulong ng CICC ang pagbuo ng isang task force na tututok sa pagsawata sa lumalalang banta ng “forefocus crimes” gaya ng fake news, troll farms, online scams, ilegal na operasyon ng POGO at PIGO, pati na ang mga pag-atake sa vital infrastructure ng pamahalaan.
Layunin din ng naturang hakbang ang pagpapalakas ng reporting mechanisms at public awareness.
“Kasi napansin natin ang kababayan natin kapag nabibiktima ng scams nahihiya o kaya hindi nila alam saan pupunta. Kami we recognize the fact na marami silang puwedeng pasumbungan pero we are offering ‘yung Hotline 1326 When it comes dito sa pagsusumbong when it come to online scams,” dagdag ni Paraiso.