Citizens Military Training, inilunsad sa Senado ni Sen. Padilla

Citizens Military Training, inilunsad sa Senado ni Sen. Padilla

MATAPOS na aminin na nawalan na siya ng pag-asa sa panukalang mandatory ROTC sa Senado ay Basic Citizen Military Training (BCMT) naman ngayon ang isinusulong ni Sen. Robin Padilla.

Nitong Lunes ay pinangunahan niya ang pagbubukas ng nasabing programa para sa mga empleyado sa Senado.

“Nawalan na ako ng pag-asa. Dalawang taon na para sa akin, anong inaantay natin? Isang platform ko noong tumakbo ako, finile natin ito, dalawang taon dito wala pa rin. Para sa akin, sarili ko na lang, makumbinsi ko ang mga tao kasi para sa akin napakagandang halimbawa nito pag nalaman may reservist sa Senado,” ayon kay Sen. Robinhood Padilla.

Ang BCMT ay unang inilunsad noong Marso 11, 2024 sa Senado. Kahit tatlong araw lamang ang nakararaan ay umabot na sa 161 ang nagpalista dito. Ayon sa senador, target nila na maka-recruit ng 300 indibidwal sa Senado.

Layunin nila na magkaroon ng actual, pormal, physical training ang mga sasali. Kailangan aniya ito, lalo ng mga medyo bata pa para magkaroon ng disiplina sa pagdepensa o pagtatanggol sa bansa at maging sa pagresponde tuwing may kalamidad.

“Maganda sinabi ng PN, pag-reserve 18 to 65 [years old] at kung kaya mo pa pwede ka pa. Ang ganda noon. Kasi pagdating sa pagsisilbi sa bayan walang age limit. Pag sinabi nating pagtanggol sa bayan pagtanggol sa sarili natin, para ‘wag tayo maging alipin uli ng kahit na sino diyan. Ang akin lang, ‘wag natin asahan ang iba para ipagtanggol tayo,” dagdag pa ni Padilla.

Ayon sa senador, plano niyang ikampanya sa buong bansa ang kahalagahan ng pagiging isang military reservist pero kaniya muna itong uumpisahan sa Senado at Kamara para magkaroon ng pondo.

Bukod sa Senado, maari ding mag-apply ang sinumang interesado maging reservist sa tanggapan ng Philippine Army (PA), Philippine Navy (PN), at Philippine Air Force (PAF).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble