Aabot sa 35 pamilya o katumbas ng 110 indibidwal na apektado ng baha sa Bunawan, Davao City ang inabutan ng tulong ng City Government sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Kabilang sa mga dineploy ng CSWDO ang kanilang Mobile Kitchen para mamahagi ng hot meals upang agad na makakain ang mga biktima ng baha dahil sa nagdaang mga malalakas na buhos ng ulan sa Davao Region dahil sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Maliban pa rito, nag-abot din ng non-food items ang CSWDO upang suportahan ang mga binahang pamilya.
Kabilang sa tulong ang pagtatayo ng mga modular tents o temporary shelter.
Nagbigay rin ng Psychosocial First Aid (PFA) upang mapanatiling maayos ang emotional well-being ng mga apektadong pamilya.