INIHAYAG ng Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevara, gagawin muna ngayong buwan ng Hunyo ang aplikasyon ng clearance sa Food and Drug Administration (FDA) para makapagsagawa ng clinical trial at Ethics Review Board Clearance.
Mangunguna naman sa pag-aaral si Dr. Michelle de Vera ng Philippine Society for Allergy, Asthma and Immunology (PSAAI).
Dagdag pa ng DOST, limang bakuna ang gagamitin na kasalukuyang available sa bansa, ito ang Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, Pfizer at ang Moderna.
Tinatayang 3,000 indibidwal ang magiging partisipante sa ilulunsad na pag-aaral sa mix and match o pagbibigay ng magkaibang bakuna kontra COVID-19 na may edad 18 pataas.
Ayon kay Usec. Guevarra, ang tinatawag na same vaccine platform ay ang A4 Priority groups kung saan ang magiging baseline ay ang kombinasyon ng Sinovac at Sinovac habang pangalawa naman ay AstraZeneca at AstraZeneca.
Ibinahagi ni Guevarra ang limang combination ng mga A4 Priority groups.
Una rito ang Sinovac at AstraZeneca, pangalawa ang Sinovac at Sputnik V, pangatlo ang Sinovac at Sputnik V na may Adeno 5 dahil dalawang klase ang Sputnik V, pang-apat ang Sinovac at Pfizer at pang-lima naman ang Sinovac at Moderna.
Aniya, ang mix and match ay magbabase sa immune response ng mga kababayan.
Dagdag nito, dalawang bagay ang masasabing kahalagahan ng pag-aaral sa vaccines.
Una, dito malalaman kung pwede gawin ang mixing and matching, ibig sabihin ang efficacy ng vaccines ay mag-i-improve kung na mix and match ang isang tao.
Pangalawa, kailangang tiyakin ang kaligtasan ng paggawa ng ganitong klaseng mixing and matching.
Ani Guevarra, dumaan din sa experiment ang ibang bansa kung kaya’t sinubukan ito ng bansang Pilipinas kung ito nga ay epektibo.
Binigyang-diin ni Usec. Guevarra na hindi limitado ang bakunang ituturok dahil ang gagawing pag-aaral ay sila din ang priority group sa vaccination program tulad ng A1 hanggang A4.