INILAHAD ni Sen. Imee Marcos, araw ng Lunes na iimbestigahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang aniya’y “kakaibang” pagtaas ng bilang ng mga bagong rehistradong botante sa Lungsod ng Makati.
Sa plenary debates sa Senado hinggil sa panukalang pondo ng COMELEC para sa 2025, sinabi ni Marcos na mayroong 18,555 na bagong rehistradong botante sa Makati.
Naitala rin nito ang 38,031 na mga transferee mula sa ibang mga lungsod at munisipalidad.
Noong 2022, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, 10 barangay sa Makati ang inilipat sa hurisdiksiyon ng Taguig.
Ayon kay Marcos, na siyang nagdedepensa sa budget ng COMELEC, ay inamin ng komisyon na nakapagtataka ang biglang pagdami ng mga botante.
Sa pagtatapos ng paliwanag ni Marcos, naroroon si Sen. Nancy Binay na tatakbong Mayor ng Makati sa 2025 elections.
“Yes, the COMELEC agrees that it was very unusual that 10 barangays were removed, and yet there were about 57,000 new voters,” saad ni Sen. Imee Marcos Chair, Committee on Electoral Reforms.
Tanong naman ni Binay kung kikilos ba ang COMELEC kaugnay sa hindi pangkaraniwang pagtaas ng bilang ng mga botante sa Makati upang matiyak ang isang malinis at patas na halalan sa 2025.
Ayon kay Marcos, nagsampa na ng kaso sa Municipal Trial Court na may layuning alisin ang mga bagong rehistradong botante at transferee mula sa listahan.
Isang task force na rin aniya ang binuo upang imbestigahan ang diumano’y pagtaas ng bilang ng mga rehistrado sa district 1 at 2 ng Makati, upang repasuhin ang mga barangay certification na kinakailangan upang makapagrehistro bilang botante.
“Because, strangely, almost all of them have barangay certifications suddenly. This may no longer be accepted the next time. It may no longer be considered proof of identity and it may be excluded in the future conduct of voter registration,” dagdag ni Sen. Imee.
Kaugnay nito ay nais na rin ng COMELEC na magkaroon ng batas na magbabawal sa paggamit ng mga certificate mula sa mga kapitan ng barangay, dahil sa posibilidad ng pamumulitika sa pag-iisyu ng mga nasabing dokumento.