COMELEC: Local Absentee Voting nagsimula na ngayong araw

COMELEC: Local Absentee Voting nagsimula na ngayong araw

TINATAYANG nasa mahigit 57,000 na botante ang magiging bahagi ng Local Absentee Voting (LAV) sa 2025 elections ayon sa Commission on Elections (COMELEC).

Ang bilang na ito ay nagmula sa mga inaprubahang aplikasyon ng mga media entities, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga kawani ng gobyerno, at mga mamamahayag, na lahat ay hindi makakapag-boto sa mismong araw ng halalan dulot ng kanilang mga tungkulin sa Mayo 12.

Batay sa mga datos mula sa COMELEC, mahigit 29,000 na aplikasyon ang naaprubahan mula sa AFP, mahigit 23,000 mula sa PNP, higit 4,000 mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, at mahigit isang libo mula sa sektor ng mga mamamahayag.

Ngayong araw, Lunes, Abril 28, nagsimula ang Local Absentee Voting na magtatagal hanggang Abril 30.

Puwedeng bomoto ang mga Local Absentee Voter para sa national positions, kabilang ang hanggang 12 senatorial slots at 1 party-list slot.

Ang botohan ay mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Ito ang unang pagkakataon na automated ang halalan para sa Local Absentee Voting.

Sa botohan, wala pang makikitang Automated Counting Machine (ACM).

Ang mga balota ay isisilid muna sa mga envelope at sa gabi ng Mayo 12, sabay-sabay na bubuksan at ilalagay sa mga makina para mabilang.

“Ang mga balota po nila ay ise-safe keep at the same time nasa loob ng selyadong envelope at ito po ay sabay-sabay na bubuksan sa Mayo-ados sa gabi at sabay-sabay po itong ife-feed sa mga makina. Dito po gagawin sa main office ng COMELEC. Nangangahulugan na yaong mga ballot box galing sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, galing sa ating mga kampo ay dadalhin lahat sa Main Office ng COMELEC upang dito po sabay-sabay na ifeed at bilangin,” saad ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Hindi naman required sa mga botante na malagyan ng indelible ink pagkatapos bumoto.

Ang paglalagay ng indelible ink mark ay ginagawa lamang sa normal na araw ng halalan upang maiwasan ang kalituhan o issue sa mga tao kung may makikitang ink bago ang halalan.

Ang mga nakaboto na sa LAV ay hindi na puwedeng bumoto ulit sa Mayo 12, at may sistema ang komisyon upang matiyak na walang mangyayaring multiple voting.

Tiniyak ng COMELEC na ang resulta ng LAV ay agad na malalaman sa gabi ng Mayo 12.

“Noong mga nakakaraang panahon, apat na araw hanggang limang araw natatapos ang local absentee voting kasi nga mano-mano, ngayon sa gabi ng Mayo-ados matatapos po namin ang pagbilang ng lahat ng boto ng local absentee voters po nati,” dagdag ni Garcia.

Ang pagbibilang ng balota para sa LAV ay maaaring saksihan ng media, citizens’ arm, at may mga watchers na magbabantay.

Ila-livestream din umano ng COMELEC sa kanilang official social media page ang pag-feed ng mga balota sa makina.

Ayon sa poll body, hindi pwedeng isantabi ang kahalagahan ng LAV sa magiging resulta ng halalan.

“Meron na pong nangyari dati, kung hindi po tayo nagkakamali, that was sometime in 2007 o 2010, kung saan sampung libo lang ang lamang ng number 12 at number 13 sa senatorial candidates, and therefore ganun ka kritikal ang 57,000 because it can deliver a vote in favor of somebody or against somebody para lamang doon sa 12 slots ng Senado.”

“Lalo na sa party-list, syempre kailangan nilang ma-attain ang 2 percent na threshold, 2 percent yun ng total number of votes cast for the party-list,” aniya.

Umaasa naman ang COMELEC na matatapatan, kung hindi man malagpasan, ang 88% turn-out rate ng mga botante sa ilalim ng LAV noong 2022 elections.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble