COMELEC may emergency meeting kaugnay sa preparasyon sa BSKE

COMELEC may emergency meeting kaugnay sa preparasyon sa BSKE

RATIPIKADO na sa Senado at Kamara ang BiCam report para sa panukalang batas na magkaroon ng term extension sa mga barangay official.

Sa ilalim ng panukala, gagawin nang apat na taon ang panunungkulan ng mga barangay official at idadaos ang susunod na BSKE sa unang araw ng Lunes ng buwan ng Nobyembre ng taong 2026 sa halip na sa darating na Disyembre ng kasalukuyang taon.

Ang COMELEC, nakahanda umanong sumunod sakaling magiging batas ito.

Sa susunod na linggo, magkakaroon ng emergency meeting ang komisyon kaugnay ng kanilang ginagawang preparasyon sa eleksiyon.

Ang procurement ng mga kagamitan para sa halalan, ititigil muna ng COMELEC sakaling tuluyang maipagpaliban nga ito.

“We will have emergency meeting. Lahat ng mga tauhan natin at opisyal ng COMELEC sa isang linggo upang mapag-usapan ang mga preparasyon halimbawa ‘yong tinatawag na procurement. May mga kagamitan na hindi muna bilihin muna baka po kasi ito masira tulad halimbawa ng indelible ink,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.

Ang voter registration na mangyayari sa Hulyo 1–11, posible ring ilipat ng komisyon sa ibang petsa kung hindi naman matutuloy ang BSKE ngayong taon.

Kailangan din anila silang mag-reassess ng kanilang budget at posibleng hihingi sila ng karagdagang pondo para sa BSKE sa 2026 dahil inaasahan nila na madaragdagan pa ang bilang ng mga botante.

Barangay Chairman sa Maynila, pabor sa panukalang term extension

Samantala, pabor naman ang barangay chairman na si Anthony Igus ng Brgy. 20 sa Tondo, Maynila sa term extension.

Saad nito, kung madaragdagan ang taon nila sa panunungkulan ay marami pa silang puwedeng magawa sa kanilang barangay.

Tatakbo aniya siya ulit sa susunod na BSKE para sa kaniyang ikalawang termino.

Kumpiyansa rin aniya si Kap na muli siyang mananalo lalo pa’t tinagurian siyang “Action Man” sa barangay.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble