ALAS-12:01 kaninang madaling araw, pormal nang sinimulan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapadala ng mga Automated Counting Machines (ACMs) na gagamitin para sa halalan sa Mayo 12.
Para sa unang batch, umabot sa 3,700 ACMs ang naipadala—bahagi ito ng kabuuang 110,000 makina na nirentahan ng ahensya para sa darating na eleksyon.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, ang mga makinang ito ay dumaan na sa final testing and sealing procedures—kabilang na ang pagsusuri sa accuracy, transmission capability, at security features—upang matiyak ang maayos, mabilis, at ligtas na pagbibilang at transmission ng mga boto.
Prayoridad sa deployment ang mga malalayong lugar, partikular na ang mga probinsyang may geographic at logistic challenges gaya ng mga nasa rehiyon ng Mindanao, kung saan kinakailangan ng mas maagang pagpapadala upang hindi maantala ang operasyon sa araw ng botohan.
Direktang dadalhin ang mga makina sa mga regional hubs ng COMELEC na nagsisilbing distribution center ng mga kagamitan para sa mga lokal na tanggapan.
Ang Iligan hub ang magsisilbing sentro para sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Lanao del Norte, at lungsod ng Iligan. Samantala, ang Zamboanga hub naman ay maglilingkod para sa mga lugar ng Basilan, Tawi-Tawi, Sulu, at Zamboanga City.
“Ito ay idi-distribute natin sa mga hub natin na nakastandby para doon kukuhanin ng mga local COMELEC natin. Kailangan po na nasusunod ang oras at schedule upang hindi tayo madelay,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Kumpiyansa si Garcia na hindi papalpak ang 110,000 makinang nirentahan para sa nalalapit na halalan.
“Umaasa po tayo na ‘yong aberya sa mga machine ay hindi po mangyayari sapagkat bago po ang lahat ng makinang ito. Dati po kasi na ginamit natin ay tatlong beses na po kasing ginamit,” aniya.
Bilang paghahanda sa anumang posibleng aberya sa mismong araw ng halalan, tiniyak ng COMELEC na may nakalatag na technical support sa buong bansa. Mayroon na ring 110 repair hubs ang COMELEC na strategically located sa iba’t ibang rehiyon upang agad na marespondehan ang mga teknikal na problema sa Automated Counting Machines o ACMs.
Kasama sa contingency plan ng poll body ang paglalaan ng 16,000 standby machines na maaaring ipalit sa mga masirang unit, kung kinakailangan.
Bukod dito, may nakareserbang 60,000 contingency USBs—mga storage devices na ginagamit sa pag-iimbak at transmission ng election results—upang masiguro ang integridad ng data sakaling magkaaberya ang primary USBs.
Ang mga contingency equipment na ito ay bahagi ng mas malawak na election risk management strategy ng COMELEC para matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na halalan kahit sa harap ng mga hindi inaasahang teknikal na problema.
Follow SMNI News on Rumble