BUMUO na ng Task Force Respect ang Commission on Elections (COMELEC) para tiyakin ang transparency at kredibilidad ng election surveys tuwing halalan.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, ang Task Force on Regulation and Enforcement of Survey Practices for Election Credibility and Transparency ay magiging permanenteng komite na magbabantay sa mga inilalabas na survey para mapanatili ang integridad ng proseso.
Kaugnay nito, nakipagpulong ang COMELEC sa ilang kilalang survey companies tulad ng Octa Research, SWS, Pulse Asia, WR Numero, Laylo Research Strategies, Publicus Asia, at iba pa.
Una nang naglabas ng supplemental resolution ang COMELEC kung saan inaatasan ang mga survey firms na magparehistro sa komisyon.
Sa ngayon, tatlong survey organizations na ang sumunod sa kautusan—patunay umano na bukas sila sa regulasyon ng poll body.
Gayunman, ayon kay Garcia, bukas silang amyendahan ang resolusyon upang gawing boluntaryo ang pagpaparehistro.
Una nang binigyang-diin ng COMELEC na ang mga election survey ay maaaring makaimpluwensya sa opinyon ng mga botante at posibleng gamitin upang paboran ang isang kandidato. Kaya naman mahalagang maging transparent ang proseso ng pagsasagawa nito.
Sa ilalim ng mga naunang kautusan, kinakailangang ihayag ng mga survey firms ang pangalan ng kandidato, partido, o grupo na nagbayad para sa survey.
Dapat din nilang ipakita ang methodology na ginamit, kabilang ang bilang ng mga respondent at kung paano sila pinili.
Bukod dito, kailangang itala ang petsa at lokasyon kung saan isinagawa ang survey, pati na rin ang eksaktong tanong na ginamit.
Samantala, dapat ding isama ang margin of error ng resulta upang matiyak ang transparency ng survey.
Gayunpaman, pabor naman si Professor Malou Tiquia, CEO ng Publicus Asia, sa pagpaparehistro ng survey firms, ngunit aniya, dapat ay kasama rito pati ang mga local survey companies.
Dagdag pa niya, ang pagrereport ng nagastos sa election survey ay obligasyon ng mga kandidato at hindi ng survey firms.
Matatandaang nakasaad sa supplemental resolution ng COMELEC na dapat iulat ng survey firms kung magkano ang ibinayad ng isang kandidato, na maaaring gamitin sa pagbeberipika ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Samantala, ibinunyag ni Garcia na may isang kilalang survey firm na nag-ulat sa COMELEC na may mga lumalabas na survey na hindi naman nila ginawa.
Dahil dito, nanindigan ang COMELEC na ang pagkakaroon ng guidelines at regulasyon sa mga survey firms ay isang mahalagang hakbang upang maprotektahan ang publiko laban sa pekeng survey sa panahon ng eleksyon.
Sa kabuuan, patuloy ang ginagawang hakbang ng COMELEC para matiyak ang integridad at transparency ng mga election surveys. Sa pamamagitan ng kanilang bagong task force at pakikipagdayalogo sa survey firms, layunin nilang masigurong tama at maayos ang mga impormasyong inilalabas sa publiko.