COMELEC, nanindigan na ‘di babayaran ang umano’y P15.3-M utang sa debate partner

COMELEC, nanindigan na ‘di babayaran ang umano’y P15.3-M utang sa debate partner

NANINDIGAN ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi nila babayaran ang P15.3-M halaga na sinisingil ng Impact Hub Manila para sa 2022 Presidential at Vice-Presidential debate.

Ayon sa Commission on Elections, walang sapat na papeles ang Impact Hub Manila upang singilin ang nasabing halaga.

Patunayan muna ng Impact Hub Manila na may P15.3-M utang ang Commission on Elections bago sila maningil para sa Presidential at Vice Presidential debate noong Halalan 2022.

Ito ang pinanindigan ni COMELEC chairman George Garcia na aniya ay obligasyon ng naniningil na patunayan na may utang ang sinisingil niya.

“Patunayan muna natin na tayo talaga ay may utang sa isang entity. Number 1 po ‘yun kasi kung wala namang mapapatunayang utang, bakit ka magbabayad?”

“Base po sa pagkakasubmit sa amin, wala naman po kaming natanggap ng anumang papeles na nagpapatibay ng pagkakautang kuno ng Commission of Elections. Kung kaya’t wala naman pong problema. Kung talagang may utang ang COMELEC bakit hindi naman po magbabayad,” ayon kay Chairman George Garcia, COMELEC.

“Kahit wala kasing lumalabas na pondo ng pera ng COMELEC, alam niyo kasi pupwedeng magkaroon ng liability kahit wala naman pong lumalabas. May nakikita tayo pero ayaw natin ma-preempt ‘yung final investigation. May nakikita tayo na public and private na pupwedeng managot kung saka-sakali, kung bakit nagkakaganito ang COMELEC,” dagdag ni Garcia.

Inatasan ng COMELEC ang investigation sa panel na tukuyin ang mga paglabag na ginawa ng mga posibleng sangkot sa nasabing isyu.

Nasa 5 – 6 na tao ang tinitingnan ngayon ng Commission on Elections na may pananagutan sa nangyari na kinabibilangan ani Garcia ng mga dati at kasalukuyang COMELEC official, at mga pribado at public individual.

Pinaiimbestigahan na rin ng Komisyon kung may paglabag ba sa probisyon ng Republic Act 9006 o ang Fair Election Act kung saan, nakasaad na tanging mga media entity lamang ang mag-oorganisa ng isang Presidential at Vice Presidential debate.

Inaasahan ng Commission on Elections na isusumite sa kanila bukas ng investigation panel ang final report.

Kung maaprubahan ng En Banc ang nasabing report ay isasapubliko ito ngayong linggo.

COMELEC, nanindigan na proprotektahan ang pondo ng bayan

Muli namang tiniyak ni Garcia na patuloy na proprotektahan ng COMELEC ang pondo ng bayan batay sa kanilang sinumpaang tungkulin.

“Wala pong binitawan na kahit singkong duling ang Commission on Elections. Pinrotektahan po natin ang pondo at kaban ng bayan. Hindi po kami magbibitaw ng pera na sa kahit sinumang entity na hindi ito naayon sa mga patakaran natin at naayon sa batas. Tatatandaan po natin, pinanumpaan namin iyan na protektahan namin kayo,” ani Garcia.

Follow SMNI NEWS in Twitter