HINDI aatras ang COMELEC sa ginagawa nilang preparasyon para sa online voting, kahit pa naghain ang PDP Laban ng petisyon na naglalayong pigilan ang pagpapatupad nito para sa mga botanteng Pilipino abroad.
Ayon sa COMELEC, dumaan sila sa tamang konsultasyon at may sapat na basehan para isagawa ang makabagong paraan ng pagboto sa mga Pilipino sa ibayong dagat.
Sa kauna-unahang pagkakataon, may mga kumukwestyon sa ipatutupad na Internet Voting para sa mga Pilipino sa abroad.
Araw ng Huwebes, nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang PDP Laban para hamunin ang legalidad ng sistema para sa 77 post sa abroad.
Hiniling nila na mag-isyu ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction upang pigilan ang pagpapatupad ng online voting, dahil wala pa raw namang batas na magtatakda ng ganitong sistema ng pagboto.
Marami sa mga OFW ang may duda tungkol sa nasabing sistema.
“Kaya kailangan po maglagay muna ng klarong batas at safeguards, at saka wala kasing consultations itong internet voting. Diretsyo na lang. Walang batas, at hindi po pwedeng ang Commission on Elections ang gumawa ng sariling batas na hindi galing sa Kongreso,” ayon kay Atty. Israelito Torreon.
“Ang problema sa online voting, although we laud COMELEC… open to fraud,” saad ni Atty. Jimmy Bondoc.
Kung tatanungin naman ang COMELEC, matibay ang mga basehan para ipatupad ang bagong sistema ng eleksyon sa mga Pilipino abroad.
Ito nga’y lalo pa’t sa mga nakaraang eleksyon, kapansin-pansin umano ang napakababang voter turnout mula sa mga kababayan nating nasa ibang bansa, dahilan para mas dapat na isagawa ang makabagong hakbang na ito.
Ayon pa sa COMELEC, hindi sila nagkulang sa pakikipagkonsulta, lalo na sa mga mambabatas. May mga ginawang pagdinig na tinalakay ang online voting. Ayon din sa kanila, wala ring magiging problema ang mga konsulada ng Pilipinas sa ganitong sistema.
Kahit pa ipinasa ang petisyon, magpapatuloy pa rin ang COMELEC sa kanilang preparasyon para sa online voting, na nakatakda nang magsimula sa April 13.
“Handa po kaming harapin ang kaso na finile sa amin sa Korte Suprema… the COMELEC will proceed with the online voting,‘’ saad ni Atty. George Garcia.
Kung sakali man na paboran ng Korte Suprema ang petisyon, handa na rin ang poll body sa magiging epekto nito.
“Meron naman po kaming excess na mga makina…madali naman po sa amin mag-imprenta,” ani Garcia.
Ang mga petitioner, sa kabila ng inihaing petisyon, ay nanawagan sa mga OFW na magpa-enroll pa rin sa online voting system, sakaling hindi paboran ng SC ang kanilang TRO.
‘’Magparegister pa rin kayo doon sa online system…let us see kung ano po ang magiging outcome ng petisyon natin,’’ ayon kay Atty. Raul Lambino.
Follow SMNI News on Rumble