Cong. Marcoleta: P20/kilo na bigas sa Visayas, “political gimmick” lang ng administrasyon

Cong. Marcoleta: P20/kilo na bigas sa Visayas, “political gimmick” lang ng administrasyon

Abril 28, 2025 |Pilipinas—Sa halip na matawag na tulong para sa mamamayan, tinawag ni Cong. Rodante Marcoleta ang P20/kilo na bigas na ipinamamahagi ng pamahalaan sa Visayas bilang “political gimmick”—isang taktikang aniya’y malinaw na ginawa upang makahakot ng boto ngayong nalalapit ang Mayo 12 Midterm Elections.

“Sanay hindi mailigaw ang mga tao. Political gimmick lang yan—ginagawa nila ‘yan para iboto sila at magkunwaring tinutupad ang dati na nilang mga pangako,” ayon kay Marcoleta, kandidato sa pagkasenador mula sa PDP Laban.

Ayon kay Marcoleta, hindi tunay na malasakit ang motibo ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., kundi pansariling interes at eleksyon lamang ang nasa isip.

Aniya, ang biglaang implementasyon ng murang bigas, dalawang taon matapos itong ipangako, at eksaktong ilang araw bago ang halalan, ay hindi aksidente kundi planado.

Binigyang-diin pa ni Marcoleta na sa ganitong presyuhan, magsasaka ang higit na maaapektuhan. Sa halip na makinabang, sila ang malulugi at mamumulubi dahil sa sobrang baba ng bentahan ng palay.

“Ang babagsak dito ang presyo ng palay. Kawawa nanaman ang mga magsasaka. They’re sending the worst message—na wala silang malasakit,” giit niya.

Bukod sa presyo, kinuwestiyon din ni Marcoleta ang kalidad ng bigas, matapos makarating sa kanya ang mga reklamo ng mga mamimili sa Visayas na ito raw ay mabaho, may bukbok, at halos hindi makain.

“Parang totoo nga kasi san ka makakahanap ng dinorado sa halagang bente pesos? Malinaw, hindi ito para sa tao,” dagdag pa ni Marcoleta.

Hindi rin nakaligtas sa publiko ang naunang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang murang bigas ng gobyerno ay “hindi pang-tao, kundi panghayop,” na lalong nagpasiklab sa kontrobersya.

Nangako si Pangulong Marcos Jr. ng P20/kilo na bigas noong una pa lamang ng kanyang termino, ngunit ngayon lamang ito naipatupad—at eksaktong sa panahon ng kampanya para sa mga kandidatong ineendorso niya.

“Alam nila ito, huwag na tayo maglokohan,” matapang na pagtatapos ni Marcoleta.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble