Cong. Paolo Duterte, kumasa sa hamon ni VP Sara na magpa-hair follicle drug test

Cong. Paolo Duterte, kumasa sa hamon ni VP Sara na magpa-hair follicle drug test

SUMAILALIM sa hair follicle drug test si Davao City First District Representative Paolo Duterte nitong araw ng Miyerkules sa Mandaluyong City.

Kasunod ‘yan ng hamon ng kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte para sa mga kumakandidatong kongresista sa 2025 midterm elections.

“Kahit kaninong challenge, as long as may buhok pa ako, lalo na ‘yung mga Young Goons ng Congress, ibigay ko na kahit, burnick ko.”

“Kung ikaw kandidato ka, at wala kang tinatatago? Bakit hindi ka magpa-drug test di ba? To show to your constituents na malinis ka,” wika ni Congressman Paolo Duterte, Representative, Davao City 1st District.

Nagpa-drug test din sa Davao City ang makakalaban ni Congressman Duterte bilang representante ng unang distrito ng Davao na si PBA Party-list Representative Migs Nograles.

Iyan ay matapos siyang hamunin ni Pulong.

“Para sa accountability ito, para sa transparency ito. We are just doing siguro what the people want to see or know,” saad ni Congresswoman Migs Nograles, Representative, PBA Party-list.

Ikatlong beses nang nagpa-hair follicle drug test si Cong. Pulong.

Una ay noong hinamon siya ni dating Sen. Sonny Trillanes at ang ikalawa ay nitong Agosto ngayong taon matapos siyang maghain ng panukalang batas kaugnay sa mandatory drug testing para sa mga opisyal ng gobyerno.

Pero ayon kay Cong. Pulong hindi lang dapat drug test ang basehan para iboto ang isang kumakandidato.

“’Wag lang ‘yung drug test ang tingnan ng taumbayan. Syempre titingnan din ninyo ‘yung kapasidad ng kandidato at ‘yung mga accomplishments niya while serving their constituents,” dagdag ni Cong. Pulong.

Sa tingin naman ni Cong. Pulong may mga kongresistang hindi kakasa sa hamon ng pangalawang pangulo.

“Sa tingin ko. Sa tingin ko. (Bakit?) Alam niyo na ‘yung sagot.”

“Magpa-drug test na lang sila para magkaalaman na.”

“Imposible naman wala silang pera para magpa drug test,” giit nito.

Cong. Pulong sa kaliwa’t kanang pambabatikos kay VP Sara: Normal ‘yan sa politika

May sagot naman ang kongresista kaugnay sa kaliwa’t kanang akusasyon ng ilang mambabatas laban kay Vice President Sara gaya na lamang ng pagkakaroon ng problema sa pag-iisip at pagiging desperada umano nito.

“Normal iyan. Kami ang kalaban ng administrasyon ngayon. So syempre sino ba ‘yung nagco-comment? Di ba? Syempre ‘yung mga kaalyado nila. (Are you hurt Sir?) Ako? Hindi! Normal iyan sa politika madame. Tinawag nga akong drug addict, drug pusher, drug lord, drug smuggler kahit may limang anak ako at apat na apo,” aniya.

FPRRD, tututukan ang pangangampanya sa Davao City—Cong. Pulong

Kaugnay naman sa kanilang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, tututukan aniya nito ang pangangampanya bilang mayoralty candidate sa Davao City.

“Kakampanya raw siya. Pero sinabihan nga namin na mga piling barangay na lang. Hindi na pwede lahat ng barangay ng Davao, 182 barangays ‘yun.”

“Gusto niyang umakyat ng bundok. Sinasabihan naman hindi na pwede. Diyan na lang sa downtown. At least makita lang siya ng mga tao,” aniya.

Makakalaban ni dating Pangulong Duterte ang dating miyembro ng kaniyang gabinete na si Karlo Nograles.

Kilala ang mga Nograles na matagal nang katunggali ng mga Duterte sa politika sa Davao.

Cong. Pulong sa mga Nograles: I don’t consider them as my friends

Sabi rin ni cong. Pulong— bagama’t itinuturing ni dating Pangulong Duterte na kaibigan ang mga Nograles, kabaligtaran naman ito para sa kaniya.

“Kung sa akin hindi maganda ang samahan namin ng mga Nograles. Kasi ‘yung tatay nila ginawa akong drug addict sa Davao way back 1992 – 1994. Doon nag-umpisa iyang drug addict ako, sa tatay nila eh.”

“I did not consider them as my friends maam,” dagdag nito.

Cong. Pulong Duterte, may patama laban sa nagpapatuloy na Quadcom hearing

Patungkol naman sa nagpapatuloy na Quadcom hearing sa war on drugs ng administrasyong Duterte, may pabirong patama ang kongresista laban dito.

“Gusto niyo malaman kung magkano sila per hearing? (Magkano sir?) Huwag na. Joke lang ‘yun.”

“(Lahat ng hearing ngayon from Senate to House) Bayad iyan. Ayy bayad,” aniya.

Pagtakbo bilang senador, wala sa plano ni Cong. Pulong

Matatandaan na sinabi naman ni VP Sara na tatakbo ang tatlong Duterte sa pagka-senador pero ni isa ay walang naghain ng kanilang COC para sa national elections.

“Sabi niya ‘yun eh. Wala talaga sa plano ko. Kay may isang term pa ako as congressman. Ever since na pumasok ako sa politika hanggang two terms two terms lang ako. So ‘yun nga. Sabi nga ng mama ko tapusin ko ‘yung term sa congressman. (Pero sa 2028 Sir may plano tayo to run?) Wala. May plano akong magretire,” aniya pa.

Sa gitna ng mga pambabatikos at paninira sa mga Duterte, sinabi ni Cong. Pulong na humuhugot siya ng lakas mula sa kanilang ina na si Elizabeth Zimmerman at sa Panginoon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble