NAGING napakabigat ang araw ng Lunes para sa mga Cotabateño matapos tumambad sa “social media” sa ganap na 12:40 ng tanghali ang balitang “banggaan ng pampasaherong van at truck” sa Barangay Luhong, sa bayan ng Antipas.
Kasabay ng kanilang mga mahal sa buhay, nagluluksa rin ang buong probinsya kasama si Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa sinapit ng mga biktima, na umakyat na sa labing-pitong (17) bilang dulot ng nasabing salpukan.
Maliban sa mga idineklarang “dead on the spot,” may apat (4) na katao pa ang isinugod sa ospital para sa panandalian o paunang lunas.
Agad namang nagpaabot ng tulong si Gov. Mendoza sa pamamagitan nina Board Members Joemar S. Cerebo, Ryl John C. Caoagdan, Maria Krista A. Piñol-Solis, Barangay Provincial Federation President Phipps T. Bilbao, Sangguniang Kabataan Provincial Federation President Karen Michie de Guzman, kasama ang mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Provincial Treasurer’s Office kung saan tumanggap ng tig-P10,000.00 cash assistance at isang sakong bigas ang mga pamilya ng nasawi at P5,000.00 naman sa mga nasa pagamutan.
Dalangin ng ina ng lalawigan na manatiling maging matatag ang mga apektadong pamilya sa kasalukuyang pagsubok na kanilang hinaharap.