Credit Assistance Program sa OFWs, isinusulong ni Sen. Lapid

Credit Assistance Program sa OFWs, isinusulong ni Sen. Lapid

ISINUSULONG ni Senator Lito Lapid ang pagbibigay ng Credit Assistance Program para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sa Senate Bill No. 2390 na inakda ni Lapid, tinatayang higit sa 2 milyong OFWs ang nagtra-trabaho sa abroad noong 2016, base sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Lapid, sobrang laki ng ambag ng OFWs sa ekonomiya ng bansa mula sa kanilang ‘remittances’ kada taon.

Dahil dito, mas makabubuti na suklian natin ang kanilang sakripisyo sa ibang bansa para sa pamilya nila.

“Mabibigyan natin ng kaukulang tulong ang mga OFWs sa pamamagitan ng CAP na magkakroon sila ng mas mabilis na access sa serbisyo at maibsan ang mahaba at matagal na proseso sa pangungutang ng pondo,” diin ng senador.

Makaka-avail ang mga OFW ng pautang na hanggang P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ito’y upang magkaroon ng panggastos ang pamilya ng OFWs sa loob ng tatlong buwan, kabilang na rin ang bayad sa recruitment process at plane tickets.

Sa ilalim ng Lapid Bill, ang utang ay puwedeng bayaran sa loob ng 12 buwang installments o higit pa pero hindi lalagpas sa 24 na buwan na may interest rate na anim na porsiyento kada taon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter