CTG, pinaslang ang dating miyembro sa Sorsogon

CTG, pinaslang ang dating miyembro sa Sorsogon

KALUNOS-lunos ang sinapit ng isang dating rebelde nang ito ay brutal na pinaslang ng mga komunistang grupo na New People’s Army (NPA) noong Sabado, Oktubre 14 sa Sorsogon City.

Kinilala ang biktima na si Rey Esposado alyas Ka Rigor, residente ng Brgy. Almendras-Cogon sa Sorsogon City.

Sa pahayag ng tagapagsalita ng Celso Minguez Command ng NPA Sorsogon na si Samuel Guerrero, sinabi nitong hinatulan ng kamatayan ng kanilang hukumang bayan si Esposado dahil umano sa pagtatraydor sa kilusan.

Si Esposado ay dating miyembro ng CTG, at walang awang pinagbabaril ng dalawang miyembro ng komunistang grupong NPA na sina Ariel Duave alyas Blackjack at Carl Mark Berania alyas Macoy na humantong sa kaniyang agarang pagkamatay.

Hindi makatarungang pagpatay ng CTG sa dating rebelde, kinondena

Kaugnay rito, mariing kinondena ng 9th Infrantry Division (ID) ng Philippine Army (PA) sa naging panayam ng SMNI News sa pamamaslang sa dating miyembro ng CPP-NPA-NDF na si Rey Esposado.

‘‘Buong puwersa ng 9th Infantry Division (ID) sa pangunguna po ng aming Punong Heneral na si Major General Adonis R. Bajao, mariing kinokondena po ang hindi makataong gawain po nito ng CPP-NPA-NDF na kung saan ay walang-awang pinaslang ang isang former rebel na si “Ka Rigor” kung titingnan natin ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao at sa pandaigdigang alituntuning pandigma. Ito po si alyas Rigor, pinili na ang magbagong buhay at makapiling ang kanilang pamilya dahil nagising na po siya, kumbaga tinakwil niya na ang marahas na armadong pakikibaka” saad ni Maj. German Franco Roldan ng 9th Infantry “Spear” Division, Philippine Army.

Ang ganitong pag-atake ay sinadya upang maraming tao ang makasaksi at maghasik ng takot sa iba pang mga rebelde na gusto nang sumuko sa gobyerno.

‘‘Itong pag-atake nila, itong pamamaslang nila ay ginawa nila sa gitna po ng selebrasyon ng Kasanggayahan Festival, ito po ‘yung festival sa Sorsogon na ginanap 4 hanggang 17 ngayong Oktubre, sinadya po nila ito para marami ang makakita, makapag terrorize po sila sa mga taong bayan na sakaling susuporta po sa amin ay matatakot na” ayon kay Maj. Roldan.

Ang aksiyong ito ay isa lamang pagpapakita at malinaw na indikasyon sa baluktot na prinsipyo at di makatwirang pagkitil ng buhay ng CPP-NPA-NDF sa mga sumukong rebelde na piniling talikuran ang armadong pakikibaka na hangad ang tahimik at mapayapang buhay.

Gayunpaman, kasalukuyang naglulunsad ang Philippine Army katuwang ang gobyerno ng peace and order sa Bicol region.

 

 

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter