Cube satellite na gawang Pinoy, ipinadala na sa kalawakan

Cube satellite na gawang Pinoy, ipinadala na sa kalawakan

LUMIPAD na sa space o sa kalawakan ang dalawang cube satellite na gawa ng mga estudyanteng Pinoy.

Isinakay ang Maya-3 at Maya-4 sa SpaceX Falcon 9 spacecraft na Dragon C208 at umalis ng 3:14 pm, Philippine Standard Time, kahapon mula sa Launch Complex 39A ng Kennedy Space Center sa Florida, United States.

Unang naka-schedule na umalis ang naturang spacecraft noong Agosto 28 ngunit dahil sa masamang panahon ipinagpaliban ito.

Aasahan naman na makakadako ang spacecraft sa International Space station orbiting laboratory ngayong Lunes ng gabi.

Ang Maya-3 at Maya-4 ay dinisenyo at dinevelop ng mga iskolar ng Space Science and Technology Proliferation through University Partnerships (STeP-UP) project ng  Space Technology and Applications Mastery, Innovation, and Advancement o (STAMINA4Space) Program.

Pinondohan ito ng Department of Science and Technology (DOST), at inimplementa ng University of the Philippines Diliman at ng Advanced Science and Technology Institute ng DOST o (DOST-ASTI).

Ayon kay Philippine Space Agency Director-General Joel Marciano, Jr., ang naturang cube satellites ay makatutulong na mapabuti ang data gathering ng mga eksperto ng bansa para sa disaster management partikular na sa pagkuha ng impormasyon mula sa mga lugar sa kanayunan, weather monitoring at sa agrikultura.

Makakaambag din ani Marciano ang data sensor collection ng mga satellite sa pagpapalakas ng mga patakaran ng gobyerno sa pag-monitor sa kalikasan, disaster risk management, maritime domain awareness at food security.

Ang Maya-3 at Maya-4 ang kauna-unahang cube satellites na ginawa sa isang unibersidad sa bansa, sa University of the Philippines Diliman.

Binuo ito ng mga Pinoy na engineering scholars sa Kyushu Institute of Technology (Kyutech) sa Japan.

Saad ni STeP-UP Project Leader, Prof. Paul Jason Co magpapatunay ang naturang mga cube satellite na kaya bumuo ng bansa nito.

‘’The success of Maya-3 and Maya-4 will prove that CubeSats can be successfully built locally. The knowledge and experience gained from this endeavor can and will be shared to any other institutions through collaboration and cooperation,’’ayon kay Prof. Co.

Sa kasalukuyan ang Maya-02 ay nasa kalawakan matapos itong ipinadala nitong Pebrero at idineploy sa orbit noong Marso.

Ang Maya-1 naman ay nakabalik na noong Disyembre 2020 matapos itong ipadala sa space noong Hunyo 2018 at sa orbit noong Agosto 2018.

Iaanunsyo pa kung kailan tutungo sa orbit ang Maya-3 at Maya-4.

SMNI NEWS