MISTULANG naghugas-kamay ang pamunuan ng Bureau of Customs sa senaryong parang pumasok ang comedy show na “wow mali”.
Ito ay makaraang kinumpirma mismo ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na tapos na ang imbestigasyon na isinagawa ng Internal Inquiry and Prosecution Division ng Customs Intelligence and Investigation Service sa sinasabing smuggling ng imported na asukal sa Port of Subic.
Ayon kay Commissioner Ruiz, standard operating procedure ang suspension pero napatunayang walang pagpapabaya sa tungkulin ang mga opisyal at tauhan ng naturang port, kaya ibinabalik na sa kanilang puwesto ang mga idinawit na mga opisyal.
Una rito ay natuklasan ang 140,000 sako ng mga refined sugar mula sa Thailand na pinaniniwalaang smuggled na nakalusot sa Port of Subic.
Sa pag-absuwelto sa nasabing mga opisyal ay ginamit na batayan ang mga certifications ng Sugar Regulatory Authority na nagpapatunay na legal ang importasyon ng nasabing asukal na dumaan sa tamang proseso at hindi rin recycled ang mga naturang dokumento sa importasyon.