AMINADO ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na sa kabila ng POGO ban ay talamak at patuloy pa ring tumataas ang cybercrime sa bansa.
Sa ngayon kahit pa may batas para sa simcard registration, ang mga scammer ay pwedeng makapanloko kahit hindi gumagamit ng simcard.
Ang gamit nila ngayon ay ang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) Catcher na ginagamit sa pag-intercept ng cellsites para makapagsend ng mga mensahe na nagmumukhang galing sa isang lehitimong kumpanya, network o institusyon.
Ayon kay DICT Secretary Ivan Uy, mas malala pa raw ang cybercrime keysa sa problema sa illegal na droga lalo pa’t ang mga scammer ay nag-ooperate sa ibang bansa.
Ngayong panahon ng eleksyon, inaasahan na ng DICT ang pagbaha ng mga scamming activity.
Payo nito sa publiko para makaiwas sa anumang istilo ng panloloko, maging mas mapanuri sa lahat ng mga natatanggap na mensahe o text messages.
Ang SCAMWATCH Pilipinas, nagbabantay naman sa mga zombie account na maaaring gamitin ng mga scammer ngayon para makapanloko sa panahon ng eleksyon.
Mas nakakatakot daw ito keysa sa mga trolls na naglipana noong mga nakaraang halalan.
Aniya, ang scammer ay magpapadala ng link at kapag ito ay iyong na-click, todas na ang iyong personal account at magiging panibagong zombie account ito para magamit sa panloloko.