HINDI na palalagpasin pa ng Department of Agriculture (DA) ang mga palengke sa National Capital Region (NCR) na hindi tumatalima sa kautusan patungkol sa Maximum SRP sa mga produktong agrikultural.
Ayon sa DA, mababa pa rin hanggang ngayon ang compliance level sa implementasyon ng MSRP sa karneng baboy na nasa 30% habang 20% naman sa imported rice.
May ilang palengke pa rin anila sa Mandaluyong, Manila, at Pasay ang nagbebenta ng sobra pa sa itinakdang MSRP.
“Almost every day the DA will conduct market operations especially in areas where the retail price of pork is still high. We monitored in Manila, Mandaluyong City and Pasay City,” pahayag ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, Dept of Agriculture.
Nakakabahala aniya ito ayon sa opisyal ng ahensiya dahil isang buwan na ang implementasyon ng MSRP sa karneng baboy gayundin sa bigas.
Sa ilalim ng MSRP sa karneng baboy—dapat nasa P350 kada kilo ang presyuhan ng sa pork kasim at pigue habang P380 naman sa pork liempo.
Habang itinakda naman sa P45/kg ang bentahan ng imported rice.
Ngunit kung pagbabasehan ang price monitoring ng ahensiya sa mga palengke sa NCR, pumapalo pa rin sa P400/kg ang presyo sa pork kasim at pigue habang P470/kg naman sa pork liempo.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr, pinaplantsa na lamang ang mga alituntunin para sa paglalagay ng mga card o tracking system para matukoy saan nagsisimula ang mataas na presyo sa karneng baboy.
Sa pamamagitan nito, malalaman kung magkano ang bigayan ng karne simula sa mga farm hanggang umabot ito sa mga pamilihan.
Sa oras na matukoy ang mga ito—ihihinto ng ahensiya ang pagbibigay ng shipping permits upang hindi makarating sa mga palengke ang nasabing produkto.
“We will trace where the pork came from. Once the origin of the pork is established, the DA can stop the issuance of shipping permit. In this way, pork with high prices will not reach the markets,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na petsa ang ahensiya kung kailan magagamit ang nasabing card.