DA, naglaaan ng higit P480-M para sa fuel discount program sa mga mangingisda

DA, naglaaan ng higit P480-M para sa fuel discount program sa mga mangingisda

NAGLAAN ng higit P480-M para sa fuel discount program sa mga mangingisda ang Department of Agriculture (DA).

INIHAYAG ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) spokesperson Nazario Briguera, kasalukuyan na silang namamahagi ng iba’t ibang interbensiyon sa mangingisda.

Ilan dito ay ang fuel subsidy na makatutulong para sa mga fisherfolk sa kanilang paghahanap-buhay lalo’t ika-anim na linggo ng patuloy na nagtataas-presyo ang mga produktong petrolyo.

Ayon kay Briguera, aabot sa P489-M ang inilaan na pondo ng pamahalaan ngayong taon para sa fuel discount na pakikinabangan ng higit 84,000 benepisyaryong mangingisda.

Sa inisyal na datos ng BFAR, nakapaglabas na ng P202.87-M na ayuda ang pamahalaan sa 64,000 o 82.18% mangingisda sa bansa.

Hindi naman inaalis ng BFAR ang posibilidad na humingi sila ng dagdag na budget para dito.

Ito ay kung magtuluy-tuloy pa ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Dahil dito, kung kaya’t inaasahan ang magiging epekto nito sa operasyon ng mga mangingisda.

Ngunit, ito aniya ay magdedepende sa ire-request na budget ng Department of Agriculture (DA) para sa fuel discount.

“Ang Department of Agriculture, I’m confident na isusulong nila ang pagkakaroon ng mas karagdagang budget para sa ating farmers and fisherfolks,” ayon kay Nazario Briguera, Spokesperson, BFAR.

Samantala, isa rin sa interbensiyon upang makatipid sa paggamit ng gasolina ay ang paggamit ng mga payao.

Sinabi ni Briguera, makatutulong ang nilalagay na payao ng BFAR sa mga lugar na maaaring pangisdaan para hindi na lumayo ang mga mangingisda.

Nagpapatayo rin ng mga cold storage facilities ang pamahalaan para maiwasan na masira ang mga huling isda ng mga mangingisda.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble