AMINADO ang Office for Transportation Security (OTS) na isa sa kanilang mga kinahaharap na hamon ngayong taong 2023 ay ang kakulangan ng mga tauhan na idedeploy sa iba’t ibang paliparan sa bansa.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay OTS Administrator Undersecretary Ma. O Aplasca, aabot sa halos 300 mga kawani sa OTS ang nabawasan simula nito lamang nakaraang taon bago ang holiday season.
Ito’y dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kasama na rito ang pagretiro at pagbitiw dahil sa kakulangan ng suweldo.
Aniya marami rin sa mga dating tauhan ng OTS ang nag apply abroad dahil sa mas mataas ang iniaalok na suweldo doon.
Bukod dito, target ng OTS ang makabagong kagamitan para sa security screening checkpoint sa mga paliparan sa bansa.
Ani pa ni Aplasca isa mga tinitingnan dito na kailangan pang i-upgrade ang mga security screening checkpoint equipment sa mga paliparan partikular na sa mga nasa probinsya.
“Nakita namin na kailangan talaga na i-upgrade ang mga equipment. Sana makasabay tayo sa mga International standard ng mga equipment,” saad ni Usec. Ma. O Aplasca, Administrator, Office for Transportation Security.
Samantala ikinatuwa naman ng OTS ang mga magagandang pahayag ng mga manlalakbay kaugnay sa pag-alis ng mga initial security screening sa pagpasok ng mga pasahero sa paliparan.
Samantala target naman ng OTS na ngayong taon ay alisin na ang initial security check sa iba pang paliparan sa bansa.