MALAKING tulong sa operasyon ang dagdag na 22.41% na pondo sa Bureau of Corrections (BuCor).
Labis ang pasasalamat ng BuCor sa Department of Budget and Management (DBM) matapos silang nabigyan ng appropriation na P9.2-B sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program o mas mataas ng 22.41 percent kumpara sa 2024 budget na P7.5-B.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na ang karagdagang pondo ay gagamitin nila sa recruitment at training ng kukuhaning mga bagong personnel, tulad ng correctional officers, healthcare professionals, at support staff para matiyak na magiging mas maganda ang pamamahala at pagkakaloob ng mga pangunahin at mahahalagang serbisyo.
Bukod diyan ay masasakop na rin aniya ng naturang appropriations ang suweldo at benepisyo ng 6,451 filled at 682 unfilled uniformed personnel, kasama na rin ang probisyon para sa annualization ng 1,000 Correction Officers at ang bibilhing mga baril para sa 1000 CO1 positions.
Sinabi pa ni Catapang na nangangailangan sila ng P1.8-B para panggastos sa 54,988 na bilanggo o mga persons deprived of liberty, habang ang P288-M ay ilalaan naman sa paglilipat ng mga bilanggo mula sa National Bilibid Prison papunta sa iba’t ibang kulungan o Prison and Penal Farms bilang bahagi ng decongestion program dahil sa nakatakdang pagsasasara ng New Bilibid Prisons.