AMINADO ang Manila International Airport Authority (MIAA) na dahil sa matinding init at kakulangan ng generator set ang pangunahing dahilan kung bakit hindi komportable ngayon ang mga pasahero habang nag-aantay ng kanilang departure flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Paypay rito, paypay roon ang eksena sa ilang bahagi ng NAIA Terminal 2 at kung anu-ano na lang ang ginagamit pamaypay, mahanginan man lang kahit konti.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Jose Ines, ang mataas na temperatura at kakulangan ng power ng kuryente ang dahilan kung bakit hindi komportable ang mga pasahero sa NAIA.
At ang nakikita nilang solusyon ay ang magdagdag ng generator set.
Sabi ni Ines, hindi muna nila pinapaandar ang lahat ng genset para matiyak na hindi magkaka-power outage sa buong terminal sakali’t bumigay na mula ang mga ito.
Sa ngayon, dahil kailangan pang dumaan sa bidding ang pagbili ng dagdag na genset ay rerenta na lang muna sila para lang maibsan ang init sa paliparan.
Ang AirAsia Philippines naman, aminadong dahil sa sobrang init ng panahon ay nagiging iritable ang ilang pasahero.
Kaya naman may paalala si First Officer and Head of Communications and Public Affairs Steve Dailisan sa mga pasahero na nagbibiyahe ngayong summer season.
“Siyempre dapat po bawasan natin ang init ng ulo kasi mainit na po ‘yung panahon, mayroon tayong mga kababayan na talagang hindi rin maiwasan paminsan na umiinit ang ulo, may mga times kasi na nagkakaroon talaga ng bahagyang delay paminsan,” paliwang ni FO Steve Dailisan, Head of Communications and Public Affairs, AirAsia Philippines.
“So, bahagi rin po ng paghahanda, dapat ngayong summer is [relax] yong mindset natin para kalmado po tayo na bumibiyahe at the same time po talaga ‘yung ma-enjoy rin po natin talaga ‘yung ating pagbibiyahe,” dagdag pa nito.