5 miyembro ng Airport Police Department, sangkot sa robbery extortion sa isang Chinese national

5 miyembro ng Airport Police Department, sangkot sa robbery extortion sa isang Chinese national

INIREKLAMO at pinaghahanap na ngayon ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEG) ang limang miyembro ng Airport Police Department (APD) na sangkot sa pangingikil sa isang Chinese national na naghatid lamang ng kaibigan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-3.

Batay sa sinumpaang salaysay ng Chinese national, nangyari ang insidente ng pangingikil sa kaniya ng lima dakong 6:00 ng gabi noong Linggo, Pebrero 4.

Ayon sa banyaga, maghahatid lamang siya sa kaniyang kaibigang Chinese national din nang lapitan at sitahin sila ng limang tauhan ng APD kung saan, hinanap ang pasaporte nito.

Bagama’t naipakita naman nito ang larawan ng kaniyang passport mula sa kaniyang cellphone, dinala pa rin aniya sila sa ika-apat na palapag ng NAIA Terminal-3.

Gumamit ng translator app ang mga salarin para takutin ang biktima at ikukulong kung ‘di magbabayad ng P15-K na agad ding binayaran dahil sa takot.

Ayon kay PNP-AVSEG sa NAIA-3 Station Commander, PLtC. Alfred Lim, Robbery Extortion ang inihain nilang reklamo sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa limang suspek.

Ayon sa PNP-AVSEG patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Manila International Airport Authority (MIAA) at pamunuan ng APD para tumulong sa imbestigasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble